Children of the River: Pagkakaibigang Tunay

By MHERYLL GIFFEN L. ALFORTE

photo from Children of the River Facebook page

TAHIMIK ANG buhay sa isang maliit na bayan sa probinsya, at ito ang siyang kanlungan ng apat na magkababata na nauugnay dahil sa kanila-kanilang pagkakaroon ng nalalayong ama. Subalit ang payapa nilang pamumuhay ay mababago ng isang tawag sa telepono, at ang kanilang pagkakaibigan ang tanging magiging sandalan upang ito’y malampasan.

Sinusundan ng Children of the River ang kwento ng apat na magkakaibigan na sina Pepsy (Junyka Santarin), Robin (Dave Justine Francis), Agol (Ricky Oriarte) at si Elias (Noel Comia Jr.) na tumayong pinakabida ng kuwento. Ang pagdating ng isang estranghero – na si Ted (Juancho Trivino) – sa kanilang mumunting bayan ay siyang magtutulak kay Elias na mapagtanto ang kanyang pagkakakilanlan at tuklasin ang kanyang buong pagkatao.

Wala mang tanyag na tunggalian sa unang bahagi ng pelikula, naisusulong naman ang istorya sa pamamagitan ng kantiyawan at bangayan ng apat na bida. Tila makatotohanan ang relasyon sa pagitan nilang lahat at makikita ito sa isang eksena kung saan iniisipan nila ng bagong palayaw si Elias. Ganito ang kanilang interaksyon hanggang sa huli, at nailarawan ng maayos ang kanilangg pagkakalapit. Walang bahid din nang kaasiwaan na makikita sa mga karakter nina Francis at Oriarte. Napatunayan nila ang kakayanang makipagsabayan kina Comia at Santarin na may karanasan na sa pag-arte.

Sa paglapit naman ng sukdulan ay saka ang biglaang pagbabago sa takbo ng istorya. Kalagitnaan na ng pelikula, ngunit may ipinasok na panibagong naratibo na naging dahilan para lumihis ang pokus mula kay Elias. Ang magaan na tema sa unang bahagi ay biglang nag-iba para magkaroon ng mensaheng politikal. Saka lamang ipinasok ang karakter ni Kapitan Manabat (Jay Manalo), ang ama ni Elias. Dahil dito, minadali ang pagsagawa ng mga eksena – matatanaw ito sa parte kung saan umiiyak ang lahat ng mga bida at kanilang pamilya. Bigo itong mapasiklab ang emosyon ng mga manonood sapagkat ito ay nagkulang sa pagbuo ng konteksto at pundasyon.

Bukod pa rito, makikita din ang biglaang pag-iiba sa pagdilim ng kulay ng mga eksena sa pangalawang bahagi ng kuwento. Naging seryoso man ang mga pangyayari, ito ay nakalilito sapagkat wala namang mga salik na maaaring kumonekta dito. Tinangkang iugnay ang bawat pangyayari, ngunit hindi pa rin ito naging sapat.

Sa pagbubuod, ang Children of the River ni Maricel Cabrera-Cariga ay tumatalakay sa isang pagkakaibigan na kayang manaig maging sa ilalim ng pagsubok at pagdurusa. Pinangangasiwaan din na ipakita ang pagkakaroon ng pusong puno ng katapatan at dangal na isa namang mahalagang kaisipan ng pelikula. F

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us