photo by COLEEN SHANE O. QUIAMBAO/ The Flame
Huminhin na ang dapo ng araw sa aking balat; malapit na itong mamahinga.
Tinakbo ko ang daan pauwi bago tuluyang gumapang ang dilim. Hindi na alintana ang tagaktak ng pawis. Sinara ko agad ang pinto at binaba ang tuyong nipa na tabing ng bintana. Saka ko lang nakuhang maghabol ng hininga. Maaari na rin akong humimbing.
Ngunit, hindi pumayag ang tadhana.
Biglang may narinig akong kumpas ng mga pakpak. Malayo, pero hindi mapagkakaila. Hindi katunog ng kaluskos ng ibon.
“Lilipas din,” bulong ko.
Subalit ngayon lang ako nakarinig ng ganoong kalakas na pagaspas. Bawat kampay ay tila mas malapit. Nagtungo ako sa kama at pumailalim sa kumot, pilit na nagkimkim ng hikbi.
Tila napakalapit na ng tunog nang bigla itong naudlot. Nabalot ng katahimikan ang paligid.
Sumilip ako mula sa butas ng kumot. Wala. Inikot ko ng tingin ang silid. Wala.
Hindi ko napigilan ang marahang pagtayo at pagtungo sa bintana. Bahagya kong tinulak ang tabing at agad nagsisi.
Isang lalaki ang nakahiga sa damuhan, tila walang kibo. Ngunit higit na kagimbal-gimbal ang nasa harap nito.
Malalaki at itim ang mga pakpak, dala ng anyong nagtapos sa madugong beywang. Sabik na nilabas nito ang patulis at mahabang dila.
“Tulong!” Ngayon lang nakasigaw ang lalaki, ngunit umuukit na ang matatalim na kuko sa kaniyang binti.
Binaling ko agad ang tingin at nagtakip ng tainga. Walang silbi, dinig ko pa rin ang malakas na sigaw.
Nag-antanda ako ng krus. “Salamat sa Diyos,” bulong ko, “hindi ako.” F Fatima B. Baduria