Sa Aking Himlayan

ELIJAH JOHN M. ENCINAS/ THE FLAME

Mahal, nakakapagod.

Sa muli, nadagdagan ang mga destinasyong hindi mahanap, mga daanang mahirap tahakin, at mga kostumer na inipin. Talagang nagbago na ang aking kahusayan sa trabaho magmula noong tayo’y magsama sa ilalim ng iisang bubong. 

Sa bawat segundo ng aking pagmamaneho, isip ko’y okupado ng iyong mga babala tungkol sa mga aksidente. Sa lahat ng oras ng aking pagtungo’t pagpapadala sa mga bahay-bahay, mahigpit ang aking hawak sa manibela. Sa kada pagbilis ng aking motor at pagliko sa mga kantong madidilim at makikitid, nadarama ko ang iyong kaba. Ako’y lagi nang nababalisa sa pagnanais na hindi ka na mag-alala.

Nakakapagod, mahal. Nakakapagod ang magpahinto-hinto sa gilid ng kalye tuwing babasahin ang iyong mga pagpapaalalang mensahe sa telepono.

“Mag-ingat ka, mahal. Umuulan.”

“Mahal, madulas ang mga kalye.”

“Mahal, huminto ka muna.”

Mahal, isa na namang araw ang aking hinarap nang may kabigatang humihila sa akin pababa. Nakakabahala kasi hindi ko muling naabot ang kota dahil sa mabagal kong pag-usad. May kirot din sa aking dibdib kapag naiisip ang mga kostumer na hindi natuwa sa aking serbisyo.

Ngunit sa aking bawat pag-uwi, winawala mo ang bigat at pagod. Agad silang napapalitan ng kaginhawaan kapag nasisilayan ko muli ang matamis mong ngiti. Puso’y nagagalak sa mga mata mong sumisigaw ng kasiyahan at pagkakuntento sa aking matagumpay na pagbalik.

Mahal, nakakapagod ang araw-araw mong pag-aalala. Ngunit, patuloy ko itong pipiliin basta’t ikaw pa rin ang uuwian. 

Basta’t ikaw ang aking himlayan. F TAFFY ARELLA M. BERNALES

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us