Ang Pagdadalaga ni Lola Mayumi: Hilom at Hiling

 

SA HARAP  ng kagimbal-gimbal na mukha ng mapait na nakaraan, mahirap panatilihin ang mapayapang pamumuhay sa kasalukuyan. Ang iba ay nasanay na sa ganitong kalagayan, sa pag-aakalang sila ay nakaligtas na mula sa hirap. Ngunit, may ibang dinadala ang trauma hanggang sa pagtanda, na tila ba ay hindi sila hinilom ng oras.

Tampok sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2021 ang likha ni Shiri De Leon na pinamagatang Ang Pagdadalaga ni Lola Mayumi. Ito ang kapighatian ng isang matandang dalaga, at sa kaniyang hiling na maranasan ang kaniyang pagiging babae, muli siyang magdadalaga.

Sa simula ay makikita si Lola Mayumi (Ruby Ruiz) na nag check-in sa isang motel kung saan siya ay namukaan ng resepsyonista. Pilit na tinatago ni Mayumi ang kaniyang identidad sa kadahilanang kilala siya sa kanilang barrio sa pagiging matandang birhen. 

Noong bata pa lamang si Mayumi, matindi ang paniniwala niya na ang habol lamang ng mga lalaki sa mga babae ay pera at pagtatalik. Kaya hanggang sa kaniyang pagtanda, siya ay umiwas na magkaroon ng romantikong relasyon sa mga lalake. 

Ngunit, dala ng panunukso ng kaniyang mga kaibigan, nagdesisyon si Lola Mayumi na baguhin ang kaniyang kapalaran. Sa tulong ng isang callboy, muli niyang susubukan kung kaya na ba niyang hamunin ang mundo ng pag-ibig at kalalakihan. 

Film still from Cinemalaya

Nagkagulatan ang binatilyong callboy at ang matanda nang magkita sila sa loob ng kwartong kanilang pagsasamahan. Hindi makapaniwala ang binata sa taong nadatnan niya, sapagkat alam niyang sumumpa si lola Mayumi sa pag-abstinensya sa mga sekswal na gawain. Gayunpaman, naniniwala ang binatilyo na kailangan niyang pagserbisyuhan si Mayumi. 

Sa kalaunan, gumaan din ang kalooban sa isa’t isa. Nakabuo sila ng magandang pakikitungo, at dahil dito, nakapag-bahagi si Mayumi ng isang nakaraang karanasan na akala niya ay baon na limot. 

Bagama’t ito ay isang alaala na lamang, walang pag aatubili itong nilamon ang pag-iisip ni Mayumi. Maihahayag na ang pangyayari na ito ay mahigpit na nakabuhol sa kasalukuyan niya. Samantala, may naisip na paraan ang binata para matulungan ang matanda na mahimasmasan.

Sa gabing iyon, ang mga bida ay nagkaroon ng tunay na ugnayan. Makikita rin ang marahang “paghuhubad” ng mga damdamin at nakaraan ni lola Mayumi. Ngunit, malilinaw rin sa mga manonood na mayroong mga bagay na hindi naaayos sa isang gabi. 

Sa teknikal na aspeto ng maikling pelikula, makikita na ang masining na paggamit ng 4×3 aspect ratio. Ito ay isang framing na ginagamit ng mga makalumang pelikula at bihira na lamang gamitin sa panahon ngayon. Isa pang katangi-tangi na ginamit na kasangkapan dito ay ang kulay-kape na filter, dumadagdag sa pagbibigay ng makalumang pakiramdam sa kabuuan ng pelikula.

Sa tagal ng bente minutos, ang pelikula ay isang makabuluhang kwentong naisalaysay sa isang motel room. Umagapay dito ang magaling na pag-ganap ng dalawang aktor sa masisidhing emosyon ng kanilang karakter. Ang epekto nito ay nasa matagumpay na pag-ahon ng mga emosyon at diyalogo papunta sa rurok ng kwento. 

Liban sa mga estetika na taglay nito, ang bahagyang pagtalakay nito sa trauma ay sapat na para sa isang maikling pelikula. Marespeto rin nilang tinrato ang mental na kondisyon ni lola Mayumi, kung saan naihayag ang kaseryosohan nito, at kung bakit hindi ito nalulutas sa isang iglap. 

Sa pangkalahatan, ang naging kapalaran ni lola Mayumi ay produkto ng isang masalimuot na nakaraan. Mula sa kaniyang kwento, matutuhan na ang paghilom ay isang proseso na hindi minamadali. Ibaon man sa limot ang hinanakit, hindi ito malilimutan hangga’t hindi dinadama. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us