ISA sa mga naidulot ng pandemya ay ang pagkalayo ng mga tao sa kanilang mahal sa buhay. Nauwi ito sa pakiramdam ng pag-iisa sa kanilang sariling mundo. Marami ang nawalan na ng gana at nanatili na lamang sa kung saan sila naroroon—walang bahid ng pagganyak habang patuloy ang mga araw. Dahil dito, hindi maiiwasan ang pakiramdam ng lumbay na pinalala ng kanilang pag-iisa. Ngunit sa kabila ng paghihirap na dulot nito, maaari pa rin makapagbigay ng makabuluhan na pagbabago ang karanasan na ito.
Kasama sa finalists ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2021 ang pelikula ni Arjanmar Rebeta na Ang Sadit na Planeta. Gamit ang 360-camera, tinalakay ng pelikula ang pakiramdam ng pagkakulong sa sariling mundo na karaniwang nararamdaman ngayon ng maraming tao.
Nagsimula ang pelikula sa paggising ni Arjan (Arjanmar Rebeta) sa isang maliit na planetang nagngangalang Planet I. Mayroong isang boses na kumausap sa kanya na nagsabi na maaari niyang gawin ang kanyang ninanais dahil pagmamay-ari niya ang planetang iyon. Sa umpisa siya ay nagduda, ngunit nang libutin ni Arjan ang munting planeta, bahagya niyang natuklasan ang kasiyahan na hindi inaasahang dala ng kanyang pag-iisa.
Nakabibighani ang naging itsura ng pelikula buhat ng sinematograpiya nito. Nakuha sa paggamit ng 360-camera ang imahe ng isang maliit na planeta na iniikutan ng pangunahing tauhan. Bagama’t malikhain ang konseptong ito, may mga limitasyon itong hindi naiwasan. Isa na lamang dito ang pagiging magulo ng ilang eksena kung saan naglalakad si Arjan at hindi naging proporsyonal ang ulo niya sa kanyang katawan.
Mahusay naman ang pagtatanghal ni Rebeta sa pagpapakita ng emosyon ng isang taong hinahanap ang sarili. Ngunit, may ilang parte ng pelikulang nangangailangan ng enerhiya ang kanyang mga diyalogo. Kapansin-pansin ito sa simula kung saan hindi nakakahimok ang pakikipag-diskusyon niya sa boses na kumakausap sa kanya.
Makulay ang pelikula at nakikita ang pag-usad ng kwento sa pamamagitan ng background nito. Masisilayan ang pagsabay ng pagbabago ng kalangitan ng planeta sa bawat araw na lumilipas para kay Arjan. Nagsilbing simbolo ng kanyang pagpapatuloy sa paglalakbay ang pabago-bagong lupain na kanyang dinadaanan na malaki ang pinagkaiba kung saan siya nagsimula.
Napapanahon ang konsepto ng pelikula bilang metapora sa kasalukuyan, kung saan ang mga taong nag-iisa ay para bang nakulong sa sarili nilang mundo. Ang pakiramdam ni Arjan na parang paulit-ulit ang mga araw na dumadaan habang siya ay mag-isa at hindi umaalis sa kinalalagyan ay naihahalintulad din sa karaniwang pinagdadaanan ng mga tao. Sa pagsubok niya ng mga panibagong bagay na nagresulta sa paggalaw ng mga araw, nagsilbing salamin ito sa katotohanan na hindi uusad ang buhay ng isang tao kung mananatili lang ito sa isang pwesto.
Hindi madali ang sitwasyong ikinakaharap ng mundo ngayon ngunit nagawang maipakita ng Ang Sadit na Planeta na kailangan pa ring ipagpatuloy ang paglalakabay. Nakalulumbay man ang pagiging mag-isa pero maaaring magamit ang panahon na ito upang mas makilala at patuloy na mapagpayabong ang sarili. F ABIGAIL M. ADRIATICO