Crossing: Siklo ng Kapangyarihan

 

ANG MAPANIRANG kalikasan ng tao ay kaagapay sa mapanakit na sistema ng pananamantala sa mahihina. Ngunit hindi natatapos dito ang siklo, ito ay pinagpapatuloy ng napagsamantalahan sa mas mahihina sa kanila. Kung titignan ang kasaysayan ng saligutgot sa mundo, isa itong siklo na nakaukit na sa kaugalian ng tao. 

Kabilang sa labintatlong maiikling pelikula na tinatampok ng Cinemalaya Independent Philippine Film Festival 2021 ang kwento ng isang desperadong security guard na naghahanap ng makakapitan sa oras ng kaniyang kagipitan

Si Gabriel Arkanghell (Niño Mendoza) ay isang ama na nais maligtas ang buhay ng kaniyang anak, ngunit sa kaunting kita niya sa trabaho, malabong matupad niya ito. Upang maibsan ang kaniyang suliranin, napag-desisyunan niyang nakawan ang mga pasahero ng bus na kanyang sinakyan. Subalit, bago pa man niya isagawa ang krimen, dalawang beterenanong magnanakaw na ang umagrabyado sa kaniya. 

Hinaharap ngayon ni Gabriel ang dalawang sangay ng daan na maari niyang tahakin: maari siyang maging bayani o maging biktima sa kawatan na ito. Nasa balikat niya ang bigat ng sitwasyon, at kinakailangan niyang makahantong sa kaniyang desisyon, mabuti man o hindi. 

Sa ilalim ng direksyon ni Marc Misa, matagumpay na nairaos ang kwento sa loob ng apat na pisikal na pader ng bus. Mula sa pagsampa ni Gabriel sa behikulo patungo sa sukdulan, napukaw ng pelikula ang manonood. 

Bilang karagdagan, nailarawan ng pelikula ang pagiging makasarili at makataong diwa ng tao sa loob ng walong minutong itinagal ng pelikula. Maayos nitong naipakita ang paghahalo ng dalawang aspeto, at kung paano nito hinubog ang desisyon ni Gabriel. Nakatulong rin ang mababang ilaw na nagbibigay diin sa anino ng mukha ni Gabriel, isa itong kasangkapan na nagbibigay paghihinala sa kaniyang pagkatao. 

Film still from Cinemalaya

Maliban dito, mahusay rin ang pagsasabuhay ng mga aktor sa kanilang mga karakter. Makikita ang lubusang takot at gulo ng isipan ni Gabriel, kaya ito ay nagbunga sa magaling na pagsasagawa ng huling bahagi ng pelikula, kung saan makikita ang kaniyang tunay na kulay. 

Sa huli, ibinubunyag ng Crossing  ang maling paggamit ng kapangyarihan. Marahil ito ay katha lamang, ngunit, ito rin ay nagsisilbing depiksyon ng isang unibersal na pangyayari. Kalakip nito ay isang babala sa makarimlang kalikasan ng tao. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us