Kawatan sa Salog: Ang Binagong Bayani

by DAWN DANIELLE D. SOLANO

 

ANG PAGKAKAROON ng pambihirang katapangan, kalakasan, at moralidad ay tatatlo lamang sa mga katangian na nag-dedepina sa pangunahing bida ng isang kwento. Ngunit, sa kabila ng nakasanayang kayarian ng isang bayaning magiting, mayroong bayani na walang tinataglay ni-isa sa mga nabanggit na katangian.

Sa limitasyon na kalakip ng pandemya, nagbabalik ang online edition Cinemalaya Independent Philippine Film Festival sa ikalabing pitong taon nito. Isa sa labintatlong obra na nagpapamalas ng kagalingan ng Pilipino sa paggawa ng maikling pelikula ay ang kwento ng pagbabago ng isang may kapintasang bayani.

Sa direksyon ni Alphie Velasco, ang Kawatan sa Salog ay tungkol kay Santi, isang batang lalaki na may kakulitan ang kamay, na naglayas matapos itong kagalitan ng kaniyang ama sa pagnakaw nito ng laruang dinosaur. Sa kaniyang pag-lisan ay siya ay nahulog sa ilog at tuluyang nalunod. Sa kalaunan, siya ay nagising sa isang misteryosong isla, kung saan mahigpit na sinusunod ang mga kakaibang tradisyon nito. 

Pinatawan si Santi ng paglilinis ng dalampasigan ng isla, sa kasalanan na pagtangka  nitong nakawin ang bangka ng Amang-pinuno nila. Sa pag-inda nito ng kaniyang kaparusahan, siya’y inalukan ng tulong ng isang matandang babae. Bumuo ng magandang pagkakaibigan si Santi at ang lola, at dahil na rin dito ay natulungan din niya na mahanap ng matanda ang kaniyang kapayapaan. 

Film Still from Cinemalaya

Sa kabutihang palad ay pinayagan na siyang maka-uwi, ngunit ang isang mabigat na pangyayari naman ang sumalubong sa kaniyang pagbalik. 

Isinusuwalat ng kwento ni Santi ang kahalagahan ng oras at ng pangalawang pagkakataon. Ang tema at tono ng kwento ay matagumpay na naipahatid sa pamamagitan ng malalamig na kulay na nangingibabaw sa bawat eksena, lalo na’t sa parte ng pelikula kung saan narating na ng bida ang isla. 

Bukod pa rito, maigi ring naituro ang malagim na katotohanan ng buhay. Si Santi man ay tuluyan ng nabago ng isla at lubusang nagsisisi sa kanyang mga kasalanan, nadama pa rin niya ang bunga ng kaniyang mga kamalian sa buhay.

Bilang dagdag sa hangarin ng kwento maipakita ang realismo ng buhay, gumamit din ang pelikula ng simple at kaunti na sound effects. Ang epekto nito ay nagdulot ng karagdagang pansin sa natural na tunog ng kapaligiran. 

Sa pagbubuod, ang Kawatan sa Salog ay may dalang mahalagang mensahe sa mga manonood ukol sa bilis ng buhay. Hindi maiiwasang magkamali sa buhay, ang tangi na lamang magagawa ay kung paano ito maitatama. Ang oras ay isang matinding kalaban ng buhay, nasa indibidwal kung paano niya ito gagawing makabuluhan. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us