Looking for Rafflesia and Other Fleeting Things: Paghahanap sa Identidad

by RAMON CHRISTIAN G. PLACIDO 

MAY MGA taong hindi bukas ang puso sa pagmamahal ng mga nilalang na naiiba sa kanila. Nananaig sa kanila ang pang-aalipusta ang mapaminsalang ideolohiyang itinatag ng lipunan. Kaya nananaig sa ilan ang takot na ihayag ang tunay na sarili sa lipunan dahil sa pangambang kuyugin sila ng matitinik na salita sa kanilang pagkatao.

Ito ang matutunghayan sa pelikulang Looking for Rafflesia and Other Fleeting Things na binigyang direksiyon at isinulat ni James Fajardo. Kasama ito sa mga maikling pelikula na itinatampok sa ika-labing pitong edisyon ng Cinemalaya Independent Film Festival.

Sumusubaybay ang pelikula sa isang binatang nagngangalang Gubat (Reynald Raissel Santos). Maraming naghihinalang siya ang tikbalang na pumapaslang sa mga residente ng kanilang komunidad. Upang makatakas sa mga matatalim nilang dila, pumunta siya sa kabundukan. Dito, nakilala niya si Darren (Kevin Andrews), isang Amerikanong botanikong naghahanap ng rafflesia. Sa interaksiyong ito, matutuklasan niya ang katotohanan sa kaniyang sarili. Subalit, ito ang magdadala sa kaniyang kapahamakan.

Film still from Cinemalaya

Pinagyaman ng pelikula ang kwentong rehiyonal sa pamamagitan ng pagbibigay ng panibagong timpla sa mga nilalang ng mitolohiyang Pilipino. Isa na rito ang tikbalang.  Hindi kahindik-hindik ang paglalarawan nito. Bagkus, binigyan ito ng relasyon sa mga istorya ng mga kabataang tumutuklas sa kanilang pagkakakilanlan.   

Samantala, epektibo ang paggamit ng 16:9 na aspect ratio ng kamera sa pagrerepresenta sa taong 90s na kinalalagyan ng istorya. Sa kuha ng kamera, naihahatid ang maaalindog na tanawin ng simpleng pamumuhay sa probinsya. Dagdag pa rito ang disenyo ng produksyon na ginagamitan ng estetikang matatagpuan lamang sa panahong ginagalawan ng mga karakter sa pelikula. 

Mabisa ring ginagamit ang musika sa pagsasalaysay sapagkat nakapagbahagi ito ng intensidad sa bawat eksena. Nakadagdag din ito ang mga kababalaghan na natutuklasan ng mga karakter sa pelikula. Isang halimbawa nito ay ang pagtutok ng baril ni Darren kay Gubat sa pagsususpetsa niya na siya ang pumatay sa hindi kilalang bangkay.

Subalit, may mga kapintasan ang panulat nito dahil may mga eksenang hindi kailangan maging mahaba para maitatag ang relasyon ng isang karakter sa pelikula. Makikita ito sa isang eksena kung saan minamataan si Gubat ng taong bayan dahil sa bumabalot na balita na isa siya sa tikbalang na naghahasik sa kanilang bayan. Kinaladkad lang nito ang takbo ng pelikula na nagpabagal sa progreso ng kwento.

Gayunpaman, nadala ni Reynald Raissel Santos ang kaniyang pagganap bilang si Gubat. Binigyan niya ng hustisya ang pag-arte bilang isang binatang nawawalan ng personalidad dahil sa mga kutya ng karamihan. Ito ay sa pamamagitan ng pagpipinta ng emosyon sa kaniyang mga eksenang naghahatid ng mga makatotohanang damdamin ng ibang kabataan sa kasalukuyan.

Bilang kongklusyon, ipinahihiwatig ng pelikula na kailangang bigyan ng pagkakataon na maihayag ang kanilang tunay na sarili sa lipunan, dahil parehas lang silang tao na kailangan ng pag-iintindi at pagmamahal na kanilang hinahangad sa mundo. Kung sila ay nakakulong sa hawla ng konserbatibong ideolohiya ng sosyedad, maibabaon nila sa kanilang pagtanda ang pagpatay sa tunay nilang nararamdaman.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us