Maski Papano: Pagsubok at Pag-asa

by ABIGAIL M. ADRIATICO

 

NANG MAGSIMULA ang pandemya, maraming industriya ang nakaranas ng matinding epekto ng lockdown. Dahil dito, malaking porsyento ng mga manggagawa ang nawalan ng trabaho. Napilitan silang maghanap ng panibagong pagkukuhanan ng panggastos sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Kasabay nito ang pakiramdam na nawala na ang kanilang silbi sa industriyang dating kinabibilangan. 

Ang pinagdadaanan ng mga manggagawa ngayong panahon ng pandemya ay nabigyang pansin sa pelikulang Maski Papano, isa sa mga finalists ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2021. 

Sa direksyon nina Che Tagyamon at Glenn Barit, ang kwento ng pelikula ay umiikot sa isang humanoid na face mask na hinahanap ang taong nagmamay-ari sa kaniya matapos itong matapon sa basurahan. Sa kanyiang paglalakbay, masasaksihan niya na siya ay napalitan na ng isang panibagong face mask.

Dama ang kalungkutan at pakiramdam na hindi niya na alam kung paano siya magpapatuloy. Matutuklasan niya ang katotohanang dala ng kaniyang bagong buhay: na hindi siya mag-isa sa pagharap ng pagsubok na ito.

Sa paggamit ng metapora ng isang face mask, nagawang talakayin ng pelikula ang katotohanang ikinakaharap ng marami sa panahon ngayon. Ang pakiramdam ng mga manggagawa na sila ay itinatapon kapag hindi na sila  kailangan ay inihalintulad sa pagpapalit ng face mask matapos itong gamitin. Inilahad din sa ilang parte ng pelikula ang paglilibang ng mga tauhan tulad ng pag-aalaga ng halaman, paggawa ng mga pastries, at iba pang mga naging trends na siyang pinagkakaabalahan ng mga tao noong unang ipinatupad ang lockdown.

Film still from Cinemalaya

Naging malikhain ang pelikula sa naratibo nito. Buhat ng pagkagawa ng pelikula sa kalagitnaan ng pandemya, napapanahon ang mga tauhan bilang mga puppet na yari sa mga pinagsama-samang face mask. Nabigyang buhay ang mga ito sa paghalo ng stop-motion na teknik sa ilang mga eksena. 

Mayroong rin kontrast sa malungkot na pagsalaysay ng face mask sa pangyayari sa buhay niya at ang pagpapakita nito sa mga eksena na nagbigay ng katawa-tawang elemento sa pelikula. Makulay din ang bawat frame na nakapagdagdag sa magaan na atmospera nito. 

Hindi maipagkakaila na sa pamamaraan ng ganitong pagtatalakay, hindi nabigyan ng pansin ang ilang importanteng isyu na kaakibat ng panahon ngayon. Wala gaanong naipakita sa sitwasyon ng mga ibang manggagawang hirap sa paghahanap ng paraan upang maitaguyod ang kanilang pamilya. Naka-sentro lamang ang balangkas sa naratibo ng mga may pribilehiyo na manatili sa kanilang tahanan sa kalagitnaan ng pandemya.  

Gayunpaman, nagawa pa rin ng Maski Papano na bigyan ng positibong pananaw ang mga pangyayari sa panahon ngayon. Ipinapadala nito ang mensahe na kahit laganap ang pakiramdam ng pagkaligaw sa landas na nakasanayan. 

Pinapakita ng pelikula na mayroong pa ring mga tao sa paligid na handang magbigay ng suporta at iparamdam na hindi ka nag-iisa sa pagsubok na ito; mga bagay na malaki ang naitutulong sa pagpapalakas ng loob ng mga patuloy na nakikipagsapalaran para sa kanilang mga mahal sa buhay. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us