SA INDUSTRIYA na pinamumunuan ng mga kalalakihan, ang mga karanasan at kagustuhan nila ang nakikita sa iba’t ibang plataporma ng media. Inaayon nila ang mga ginagawang palabas sa sensibilidad ng mga lalaki sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga bagay na makaka-akit sa kanila. Mas pinapahalagahan rin nila ang mga pangangailangan ng kalalakihan dahil sa paniniwalang mas dominante sila sa lipunan.
Dahil dito nawawala ang boses ng mga kababaihan kapag sila ay binibigyang representasyon sa media. Pinapalabas na ang mga babae ay pantawid uhaw ng mga kalalakihan sa kanilang pagnanasa. Dito nabubuo ang obhetismong paniniwala ng mga lalaki: ang mga babae ay mahalaga lamang kapag nakakaakit ang kanilang katawan.
Ang mga pagdadanas na ito ay matutunghayan sa Out of Body na binigyang direksiyon ni Enrico Po. Kabilang ito sa mga kalahok ng ika-labing pitong edisyon ng Cinemalaya Independent Film Festival.
Ang kwento ay umiikot sa baguhang modelo na si Elle (Kelley Day) na nakakuha ng papel bilang bida sa isang komersyal mula sa kaniyang ahente (Joel Saracho). Nang dinala siya ng production assistant (Dylan Ray Talon) sa kaniyang bihisan, tinanong niya ang misteryosong konsepto na bumabalot sa pagdarausan ng komersyal. Subalit, mailap ang kaniyang PA sa mga sagot nito. Dito magsisimula ang kaniyang suspetya habang siya ay nasasakal sa masikip na damit at napapaso sa mainit na ilaw.
Binigyang hustisya ng panulat ng direktor ang representasyon ng mga kababaihan sa industriya ng entertainment. Ito ay sa pamamagitan ng paghatid ng realidad ng produksyon sa paghugot niya sa sarili niyang karanasan. Dito binigyan niya ng boses ang kwento ng mga kababaihan sa pagpapatahimik sa kanilang pagdating sa kanilang pagganap sa media.
Bukod dito, naaangkop ang pag-iilaw ng mga eksena sa pamamagitan ng paggamit ng mga maiinit na kulay. Dito nadadama ang matinding pagkabalisa ng karakter sa mga kataka-takang pangyayari sa produksyon. Ginamit din ng itim na kulay ang pagkakakuha sa mga eksena bilang pagbalot sa misteryo sa kinalalagyan ng artista.
Samantala, epektibo rin ang pagdadamit ng mga tauhan sa paghahatid ng kababalaghan ng pelikula. Nakasuot ng matingkad na kulay si Elle na sumisimbolo sa kaniyang maaliwalas na paghinga sa kaniyang pagsabak sa shooting. Sa pagprogreso ng pelikula, sumisikip ang pakiramdam niya sa bawat pagtapak niya sa surrealismo ng kapaligiran at kasuotan ng kapwa niyang mga artista.
Higit pa rito, ginampanan ni Kelley Day ng maayos ang kaniyang karakter na si Elle. Ramdam ng manonood ang kaniyang pag-aalinlangan sa mga sitwasyong ibinabato sa kaniya sa pamamagitan ng pagbitaw niya ng emosyon sa mga ito. Mapapakapit ang mga manonood sa kawalan ng katiyakan sa mangyayari sa kaniya.
Bilang pagbubuod, ipinapahiwatig ng Out of Body ang kapabayaan ng industriya sa paghahawak ng mga artista lalo na sa mga kababaihan. Ikinukulong ng mga prodyuser ang impormasyon mula sa kanila upang masunod ang kanilang mga pagnanasa. Dito naipapakita ang bulok na sistema ng industriya sa pagtratrato ng mga kababaihan sa harap at likod ng kamera. F RAMON CHRISTIAN G. PLACIDO