ANG RELASYON para sa matalik na magkaibigan ay isang komplikadong usapan, sapagkat bumabagabag ito sa estado ng kanilang samahan. Kapag humaba ito, mauuwi ito sa matinding alitan na makakapagbakas ng mantsa sa kanilang dalawa. Subalit, darating din ang panahon na mauungkat ang mga naudlot na usapan upang mahanap ang kahulugan ng kanilang pagsasama.
Mula sa direksyon ni David Olson, ang The Dust in Your Place ay iniangkop mula sa dula ni Joem Antonio na nanalo ng Carlos Palanca Memorial Award noong 2012. Ito ay tungkol sa isang ilustrador ng komiks na nagpapabatid sa kaniyang manunulat kung ano ang bumabagabag sa relasyon niya. Ang maikling pelikula ay kalahok sa ika-labing pitong edisyon ng Cinemalaya Independent Film Festival na idinaraos online mula Agosto 6 hanggang Setyembre 5.
Sumesentro ang kwento sa ilustrador ng komiks na si Claire (Chaye Mogg) at sa kaniyang manunulat na si Rick (Boo Gabunada) na gumagawa ng panibagong edisyon ng Pepe Matinik. Matapos masira ang kanilang konsentrasyon mula sa pag-aaway ni Rick at ang kinakasamang si Lisa, naikwento ni Claire kung ano gumagambala sa relasyon niya sa kasalukuyan at nakaraang kasintahan. Sa diskusyong ito, masusubukan ang kanilang walong taon na samahan na magdidikta sa kanilang karera sa paggawa ng komiks.
Hitik sa diyalogo ang isinulat ni Joem Antonio dahil sa pagdala nito ng diskurso sa iba’t ibang paksa. Malinis na naidadala ang mga paksa ng kumbersasyon na nakakapagbigay ng kalinawan sa mga manonood. Binahagian din ang mga manonood ng karapatan na maghiraya sa nakaraan sa pamamagitan ng pagsambit ng mga tauhan tungkol dito.
Maliban dito, naihatid ng disenyo ng produksyon sa pagtatakda ng mga pangyayari bago magsimula ang pelikula. Angkop na maipakita ang kalat ng hapag kainan para mailarawan ang resulta ng alitan nila Rick at Lisa. Mainam ito para malinawan ang mga manonood sa mga sumusunod na eksena.
Ngunit, may mga eksena sa pelikula na hindi maalinagan ang diyalogo dahil sa pagsapaw ng tunog ng background. Napapatungan nito ang pinag-uusapan ng mga tauhan na nakakapagpapigil sa pag-usad ng istorya. Dahil dito, makakabuo ito ng pagkawala ng interes ng mga manonood sa mga pangyayari sa pelikula.
Gayunpaman, binigyang buhay nila Chaye Mogg at Boo Gabunada ang papel nila bilang Claire at Rick. Naparamdam nila ang namumuong alitan sa kanilang pag-uusap kahit na walang aksyon na magbubuhat sa kanilang mga eksena. Dagdag pa rito, naipakita nila ang kemistri ng kanilang mga tauhan sa pamamagitan ng maayos na palitan ng mga linya. Ramdam ng manonood ang nabuong samahan ng kanilang karakter kahit hindi ito naipakita sa dalawampung minutong pagtakbo ng pelikula.
Bilang pagbuod, kailangan maging handa ang isang tao sa pagbabatid ng kaniyang kahinaan sa relasyon. Para maayos muli ang punit na nabuo sa pagitan ng indibidwal at sa taong naapektuhan nito. Kapag ito ay lumala, hahantong ito sa hidwaan na hahantong sa pagkasira ng naitayong samahan. F RAMON CHRISTIAN G. PLACIDO