By FATIMA B. BADURIA
Editor’s Note: This film review is part of a review series featuring the restored classic Filipino films available for free in FDCP Channel’s Pamanang Pelikula in celebration of this year’s Philippine Film Industry Month.
TILA ISANG pandaigdigang paligsahan ang pagtatamo ng kaunlaran. Sa malawakang pagsulong ng progreso, hindi maiwasang hanapin ng bayan ang kalagayan nito pagdating sa kahusayan. Subalit, sa mapa ng makaagham at teknolohikal na pag-unlad, ang lugar ng Pilipinas ay hindi iba sa heograpikal na lokasyon nito. Malayo sa sentro ang naturingang pwesto ng mga Filipino.
Ito ang kaisipang nilalayong buwagin ng pelikulang Sinong Lumikha ng Yoyo? Sinong Lumikha ng Moon Buggy? Mula sa unang pagpapalabas nito noong 1978, ipinamalas nito ang mga mga makabayang konsepto at hayagang tinutuligsa ang colonial mentality.
Sa direksyon at sulat ni Kidlat Tahimik na bumida rin sa palabas, nabibigyang pansin ang kababaang tingin ng mga Filipino sa sarili kung ikukumpara sa mga dayuhan.
Kinikilala sa kwento na ang moon buggy at yoyo ay parehong likha ng mga manggagawang Filipino. Ipinagmamalaki nito ang malaking gampanin ng dalawang imbensyon sa makaagham na pagtuklas, lalo na ang moon buggy na nagbigay-daan sa unang paglalakbay ng tao sa buwan. Subalit, hindi pa rin kasing tanyag ng kanluraning mga bansa ang Pilipinas pagdating sa teknolohikal na disiplina.
Dahil dito, naisipan ng bidang si Kidlat Tahimik na lumikha ng sariling space rocket mula sa mga nakakalat na kagamitan sa Yodelburg. Sa naturang lugar, grupo ng musmos na mga kabataan ang kasama niyang bubuo ng Philippine Official Moon Project (POMP). Tulong-tulong silang gagawa ng sasakyang pangkalawakan para sa pangunahing layunin ni Kidlat: ang makapaglaro ng yoyo sa buwan.
Bagamat walang katotohanan na isang Filipino ang imbentor ng moon buggy, may magandang intensyon ang pelikula. Nagmula lamang ito sa maling sabi-sabing mabilis tinanggap ng karamihan bilang makabayang karangalan. Gayon pa man, malinaw na ang mensaheng nakapaloob dito. Hindi mapagkakailang mayroong mga imbentor sa Pilipinas na may kani-kaniyang husay sa larang. Maraming maipagmamalaking tagumpay ang mga Filipino, hindi lang sa disiplina ng agham at teknolohiya. Subalit, hindi ito nabibigyan ng espasyo sa pansin ng publiko sapagkat wala sa kapwa Filipino ang tingin ng karamihan. Maging ang gobyerno ng bansa ay hindi nakapaglalaan ng sapat na suporta upang ganap na maipagpatuloy ang kasanayan ng mga manggagawa.
Ipinamamalas din ng palabas ang mga makatotohanang epekto ng kolonyalismo sa Pilipinas. Isa dito ang colonial mentality kung saan patuloy na tinitingalaan ng mga tao ang mga mananakop na nagmula sa kanluran habang nananatiling mababa ang tingin sa sarili. Dahil dito, nakagawian nila ang pikit-matang pagsunod sa mga konseptong ipinakikilala nito nang hindi isinasaalang-alang ang mga negatibong implikasyon nito. Tulad na lang ng bell-shaped na disenyong laganap sa mga gusali na binigyang-diin sa pelikula; nalilimitahan nito ang pamumuno ng mga Filipino sa mga malikhain at makabagong teknik. Lalo nitong nililihim ang kakayahan ng mga indibidwal.
Sa bigat at lawak ng isyung tinutugunan nito, agaw-pansin ang paraan ng paglalahad ng kwento. Kahit tahasang tinatalakay ang umiiral na kaisipang kolonyal kalakip ang pag-usbong ng industriyalismo at kapitalismo, naaangkop ito maging sa mga batang manonood.
Maingat ang pagbuo ng bawat dayalogo upang bumagay ang pelikula sa lahat. Dahil mga kabataan ang kasama ng bida, may kalakip na lambing ang tono ng usapan. Sa pagsasaalang-alang din nito ng mga batang manonood, masasabing halos kabuuan ng kwento ay inihatid nang pasalaysay. Maaaring nakapapagod ito sa mga nakatatandang tagapagsubaybay, subalit may bentaha sa mga may murang edad.
Dahil sa makalumang pamamaraan ng pagkuha ng mga eksena, maaaring hindi ito lubos na mapahalagahan ng mga manonood sa kasalukuyang panahon. Lumipas na ang mga panahong kaaya-aya pa sa mata ang estilo ng palabas sa aspektong biswal. Ito rin ang problema pagdating sa audio. Mayroong mga bahaging mahirap intindihin dahil hindi malinaw ang tunog nito. Sa ilang pangyayari, mayroong mga ingay na humahadlang sa lubos na pagkaintindi sa mga kaganapan.
Sa kabila ng mga teknikal na kakulangan, nakaeengganyo sa panonood ang komikal na aspekto nito. Binibigyang kulay ang palabas ng mga magagaang biro na makapagbibigay-aliw sa lahat, anuman ang edad.
Kahit ilang dekada na ang nakalipas mula noong unang tumampok ito sa sinehan, nananatiling buhay ang diwa ng pelikula. Hanggang sa kasalukuyang panahon, masasaksihan pa rin ang tumanda nang mga bakas ng kolonyal na pag-iisip, pati ang mapaminsalang dulot nito.
Kung tunay ngang tagisan sa pagitan ng mga bansa ang kaunlaran, malayong magtapos nang matagumpay ang Pilipinas. Subalit, kinakailangang makilala ng bayan ang sarili nitong kakayahan. Dapat unahin ang pagtingin sa angking kapasidad upang mahubog ito at maisakatuparan sa lipunan. Pagdaan ng maraming taon, ito pa rin ang sigaw ng Sinong Lumikha ng Yoyo? Sinong Lumikha ng Moon Buggy? na makatotohanan at makapangyarihan kung didinggin. F