by TRIXCY ANNE B. LOSERIAGA
MALAYO RIN ang nilakad ni Dana bago niya natanaw ang pampang.
Maaliwalas ang simoy ng hangin at ang mga bata ay nagtatampisaw sa tubig. Nagkalat sa dalampasigan ang liwanag ng mga alitaptap.
Dumako ang ilang alitaptap sa kinaroroonan ni Dana. Hinuli niya ang isa subalit biglang naglaho ang ningning nito. Nag-iba ang simoy ng hangin. Napukaw ng mga maya ang kanyang atensyon kaya pinanood niya ang mga ito. Sumikip ang kanyang dibdib nang mapatingin siya sa naglalagablab na langit. Namayani ang kulay pula sa kaulapan, tulad ng isang hapong pilit niyang kinalilimutan.
Hapon na’t uwian na sa paaralan ngunit may ilang estudyanteng nanatili pa rin para gawin ang mga takdang aralin habang naglilinis ang mga diyanitor.
Habang kumakain si Dana ng fishball kasama ang mga kaibigan, biglang umalingawngaw sa paaralan ang isang matining na hiyaw.
Hindi muna ito pinansin ni Dana ngunit bigla siyang nangamba nang makita na nagsisilabasan ang mga diyanitor na may hawak na balde. Inunahan siya ng kanyang pagkamausisa at sinundan ang mga ito.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Natupok ang mga silya at aparador. May mga estudyanteng umiiyak. Sinusubukang pakalmahin ng mga guro ang mga estudyante habang humihingi ng tulong. Nabitawan niya ang stick ng fishball. Nanghina ang kanyang mga tuhod habang unti-unting nawala ang pulang lumamon sa silid aralan.
“Dana!” Nahimasmasan siya ng narinig niya ang sigaw ng ina. Pinunasan nito ang mga luha. Nagtungo na siya sa kinaroroonan ng ina at niyakap ito. Hinalikan siya ng ina sa noo at dahan-dahan na siyang huminahon. F