by HJADOEYA V. CALICA
Editor’s Note: This piece is one of the works in a nine-part series in line with the Dapitan 2023 theme Panopticon. All works are written by The Flame‘s Literary staffers.
GALING SIYA sa isang pagtitipon nang walang nakaaalam. Ang tela ng kanyang uniporme ay may bahid na ng dumi at ilang punit.
Ang huni ng mga sasakyan at ang bilis ng mga paa sa lansangan ay laganap ngayong patapos na ang araw.
Tinatahak niya ang pamilyar na daan patungo sa kanyang tahanan.
Sa kalyeng palasak ang mga basura at ang masangsang na amoy ng kahirapan, hindi na bago sa kanya bilang isang babae na araw-araw maranasan ang mga mapanghubad at kasuklam-suklam na tingin.
Subalit ang titig na naramdaman niya ay hindi pamilyar. Gumapang ito sa kanyang balat, tinunton ang kanyang kaluluwa at naghatid ng malamig na alon sa kanyang mga ugat na nagpahinto sa kanyang paglalakad.
Tumingin siya sa paligid; nakaabang sa kanya ang mga taong may peligrosong ngiti, suot ang kanilang asul na uniporme na may tsapa sa dibdib, at metal na sandata sa kanilang kamay.
Naramdaman niya ang mabilis na ikot ng mundo dahil sa mga matang mapanghusga. Nagdulot ito ng pagkahilo at hindi mapakaling kalooban.
Naglakbay siya sa isang alaala dahil sa tunog ng mga kamera sa paligid.
Sa pagtitipon, hawak-hawak niya ang mikropono, nagbabahagi ng kaalaman sa mga taong walang alam.
Nakabawi siya sa pag-iisip nang marinig ang mabibigat na yapak ng mga taong plantsado at walang bahid ng dumi ang uniporme.
“Bituin Amor Tolentino Alcantara,”
Tumingin siya sa paligid. May bahid ng simpatya ang kanyang tingin sa mga taong nakapalibot, habang hawak ang kanilang mga telepono.
Alam niyang ginagawa nila ito para maiwasan ang tingin ng awtoridad—dahil nakaukit na sa kanilang isipan na hindi mahalaga ang kanilang pag-iral.
“Sumama ka sa amin.”
Isa lang siya sa milyon-milyong kabataang dinakip dahil sa pagiging katalista ng pagbabago. F