by TRIXCY ANNE B. LOSERIAGA
NAGLALAKAD KAMI pauwi nang maisipan ni Mama na dumalaw muna kami sa dati kong paaralan.
Ayoko sana, pero anong magagawa ko?
Kaunti lang ang tao noong dumating kami, subalit ramdam ko pa rin ang ihip ng nakaraan. Napalitan na ng mga luntiang marmol ang mga haliging gawa sa mahogany. Inabandona na lang ang palaruan na dating tambayan ng mga mag-aaral at guro. Napabayaan na rin ang dating nursery at ginawa nang tambakan ng sirang upuan. Marami man ang nagbago sa disenyo ng gusali, hindi maipagkakaila ang mga markhang iniwan ng panahon.
Hapon na kaya bukas na ang mga kainan sa tapat ng paaralan. Sila na lang yata ang hindi nawala simula noon. Nagulat nga ako na naaalala pa ako ni Ate Sarah. Okay na rin at nakakuha ako ng discount, singkwenta din iyon.
“Walong taon na rin pala nakalipas, Ma,” sambit ko habang kumakain kami ng isaw.
“Alin?” tanong niya na may bakas ng pag-aalala sa kanyang mukha. “Ah, yung bago kayo magbakasyon. Mabuti nga may natira pa riyan,” sambit niya, saka inubos ang gulaman.
Kaswal na naming napag-uusapan ito ngayon, pero kahit anong iwas ko, naririnig ko pa rin ang mga sirena. Kahit anong pilit ko, hindi ko kayang ibaon ang nakaraan. Na para bang kahapon lang nung narinig ko ang sigaw ng mga kaklase ko…
“Happy birthday to you, happy birthday to you!”
Alas-kwatro na pero hindi pa rin kami tapos sa surpresa para sa aming adviser.
Nagkalat ang mga lobo at mano-mano na kaming nagbubuga ng hangin dahil sira pala yung mga dalang air pump! Tatlo iyon tapos ni isa walang matino? Aba, nabudol yata kami ni manong. Sabagay, three for one hundred nga naman.
Nagpapraktis naman ang iba sa amin sa pagkanta ng happy birthday pero bakit iba yung pakiramdam ko? Kung sa tono ba naman ng mga kumakanta, parang nasa lamay na ang datingan.
Makalipas ang ilang sandali, dumating ang chocolate cake. Puno ito ng marshmallows at nips. Sa tabi nito ay mayroon ding… garlic bread? Hindi ko na maalala kung kaninong ideya ang magdala ng garlic bread pero paborito rin naman ito ni Sir kaya okay lang.
Habang inaayos ng mga class officers ang mga nakatoka sa pagkanta, nagdidikit naman ang iba ng mga confetti at lobo.
Inayos na rin ng mga lalake ang mga upuan at lamesa habang nilalatag namin ang mga pagkain. Kung wala siguro yung cake, puro lumpiang shanghai lang ang kakainin namin.
“Sa wakas!” nagsigawan kami pagkatapos maihanda ang lahat para sa surpresa.
Tinawag na namin si Sir at nagsimula na ang party.
Sinabayan pa namin ang mga nakatoka sa pagkanta hanggang sa mamaos kami. Kumakanta pa nga yung iba kahit oras na ng pagkain dahil baka raw makakuha sila ng bonus sa exam.
Pero nauwi sa peligro ang dapat na masayang pagsasalo-salo.
“Kandila lang,” iyan ang bukambibig ng mga bumbero matapos ang sakuna. No, iyan ang tumatak sa amin habang tinutulungan kami ng mga bumbero.
Lahat ng pinaghirapan namin, nawalang parang bula. Nakatulala na ang karamihan sa amin. Hindi namin lubusang maisip kung sino ang salarin, kung kami ba na nag-organisa ng party o iba pa. Hindi lang naman kami ang naiwan sa paaralan. Kung tutuusin, pinagalitan pa nga kami ni Sir dahil gumamit kami ng mga kandila at posporo nang walang pahintulot kaya tinignan niya muna ang buong kwarto bago nagsimula ang party.
Hindi pa kami tapos kumain noon nang biglang inatake ng hika si Marie. Malapit siya sa bintana kaya ramdam ang matinding init mula sa labas. Nagtataka na kami bakit amoy usok ang hallway. Sumilip si Sir sa hallway at bakas sa kanyang mukha ang takot. Nagulat kami nung may biglang bumagsak na yero sa labas ng classroom, tapat pa mismo ng bintana!
Nataranta na kami; hindi ko na nga maalala kung saan ako dumaan noon makalabas lang ng paaralan.
Mapalad pa nga ako kasi konting galos lang ang tinamo ko. Pero paano yung iba? Hindi ko masikmura ang sinapit ng aking mga kaklase.
“Second-degree burns po,” tugon ng paramedic sa aming adviser na halos himatayin na rin mula sa mga natamong sugat.
Halos isang oras din bago naapula ang sunog.
“Wala na,” iyan ang huling sinabi ng class president namin bago tuluyang bumagsak ang kanyang mga luha. Humagulgol kaming lahat—mga estudyante, guro, at dyanitor—habang pinapanood namin ang paaralan na tinutupok ng apoy.
Sa isang pagkakamali, nawala ang lahat.
Nakaligtas kaming lahat pero nakaukit na sa amin ang mga salitang “kandila lang.” F