by FRANCIS MIGUELL S. STA. ROSA
TUWING TANGHALI ng Sabado ay inihahatid kami sa terminal ng jeep sa Meycauayan. Doon ay sasakay kami sa jeep na matutuklasan ko sa hinaharap ay bihira lang sa lungsod, sapagkat mayroon itong pinto para walang pasaherong aksidenteng mahulog sa expressway. Mas mahaba rin ito kaysa karaniwan, marahil para makapagsakay ng mas maraming pasahero. Sa mabilis na takbo ay hahampas sa aking mukha ang malakas na hangin at ang buhok ng aking katabi.
Bababa kami sa Malolos, at doon ay makakikita ako ng iba’t ibang uri ng jeepney. Liban sa ‘super’, mayroon noong pangkaraniwan, mayroong maliit o ‘karatig’ na patungong kabayanan, at mayroon din noong parang Tamaraw. Akala ko, ang huli na ang pinakakakaibang jeep, dahil mukha na iyong FX. Nang masakay ako nitong huli sa Mayon, nagkakamali pala ako. Iyon pala ang modern jeep? Maayos nga naman: maluwag, mataas ang upuan, malamig, at may makatatayo pa. Kaya lang, parang may kulang e. Iyon bang nagmumura ang kulay, matingkad—‘yung parang mga kulay ng banderitas tuwing pista. Hinahanap ko ang sining sa anyo ng mga sasakyang ito: mukha ng pamilya nila, o poon, o kung anong maisipang salita at disenyo ng may-ari.
Oo nga, ano, iba-iba ang may-ari ng mga jeepney. Minsan, mahirap din ang ganiyan, e. Gaya noon, kanya-kanya lang ng gawa ng ruta ang mga bus at bahala na ang komyuter sa diskarte. Para bang sa pamamasahe ay dadanasin mo ang pinagtagpi-tagping sariling remedyo ng mga naghahanap ng masasakyan at hanapbuhay.
Sa may tanggapan ng LTO, sumakay minsan ang isang lalaking may kausap sa telepono. “Ma, jeep na ako… oo, huling beses ko nang magco-commute ito! Hahaha!”
Sa ibang bansa kaya, rites of passage ang lisensya? Daang-libo raw ang bayad sa Japan. Ang hirap siguro ng ganoon, para lang sa mayaman ang sasakyan?
Minsa’y muntik na akong mahuli sa kuhaan ng class picture. Mabuti na lang at mabilis ang nasakyan kong jeep. Kaya lang, kaya siya mabilis ay dahil kinakain niya ang bike lane. Sa pagkakataong iyon, kampante na ako na aabot ako. Gayunpaman, namimisikleta rin ako, at natatakot ako sa nakikita ko.
Isang araw naman sa Roosevelt, nasunod kami sa isang jeep na nuknukan ng itim ang usok. “Paano kaya lumusot ng MVIC ‘yan?” sabi ng tatay ko. Minsan naman ay bigla na lang titigil o gigilid samantalang sira ang mga ilaw sa likuran. Kahit saan pa papunta, hindi dapat kumikilos nang biglaan.
Madalas na nahihinto kami sa may gawing Araneta. Nababaling ang tingin ko sa pundasyon ng elevated expressway. Biglaang nagsulputan ang mga expressway na ito nitong mga nagdaang taon. Ngayon nga, may panibago na naman sa España. Dahil sa mga ito, ang biyahe mula Bulacan o Laguna o maging Batangas ay mas mabilis pa kaysa pagkilos sa pagitan ng dalawang lugar sa loob ng Kamaynilaan. Nakalulula ang mga ito. Kinakanlungan nila ang kalye sa ibaba bagamat maluwang ang huli. Ang laki ng espasyo sa itaas, at mabilis na nakararaan ang mga sasakyan, ‘di gaya ng usad ng trapiko paakyat sa mga estasyon ng tren kapag uwian. Kaya lang, ngayon, maging sa gawing Meycauayan at Mindanao Avenue Link ng expressway ay naiipit ako sa traffic. Gaano kaya katagal mananatili ang bilis ng paglalakbay sa mga kalyeng ito?
Lumakad ako minsan papuntang Legarda para hanapin ang masasakyan papuntang Rosario. Binalak kong sumakay ng tren pa-Cubao at pa-Ortigas, at mula doon ay bahala na. Kaya lang, nakakita ako ng jeep na didiretso na ng Pasig. Mayroon ding mga bus na sa kabilang kalye dadaan. Madalas ang daan ng jeep, at bagamat tanghali ako sumakay ay halos puno ang sasakyan. Marahil, patunay ito na patuloy na naseserbisyuhan ng jeep ang mga payak na mananakay, sa kabila ng pagkakaroon ng mas mabilis at mas modernong paraan ng transportasyon.
Lulan ako ng isang jeep papasok ng Bocaue nang madaan kami sa mga lubak. Kalahati ng kalsada ay tinibag, gayong iyon ang ‘di gaanong sirang bahagi. “Bakit tinibag ang kalsada?” tanong ko sa tsuper. “Sira daw e, pagagandahin daw,” tugon niya. Pansamantala, pagtitiyagaan na lang daw nila muna ang baldadong kalye.
Kailan lang, pinasakitan ang mga tsuper ng pandemya at pagtaas ng gasolina. Ngayon naman, nagbabadya ang kanilang pamamaalam. Kakaiba ang itsura ng kalsada nitong mga nakaraang araw, bagamat may mga jeep pa ring mamamataan. Nakakadurog ng pusong isipin na kaya lamang mayroong masasakyan ay dahil kaligtasan at pangkain ng pamilya ang magiging presyo ng kanilang paninindigan. Gayunpaman, sa kabila ng pag-aaklas ng iilan, nanatili ang trapiko sa mga lansangan.
Isang dapithapon, natanaw ko ang pagdagsa ng mga jeep sa terminal… phase.
Mas maginhawa ang mga bago, pero hindi kinakailangang iwanan ang pagkakakilanlan at katatagan ng jeep na kinagisnan ko. Hindi rin tamang isangkalan ang mga tsuper para sa pag-unlad, dahil may higit na malaking hadlang sa pagtatamasa nito kaysa sa kalumaan ng jeepney. Kahit anong mangyari, kaakibat na ng naglalakbay na Juan de la Cruz gaya ko ang jeep. Sa kasalukuyan, wala pang papalit dito, at sa pilit na pagpurga sa hari ng kalsada ay maiiwan ang sambayanang walang mapuntahan. F