HINDI ITO mapapansin sa paghuma ng araw. Mistulang kailangan lang ito kapag aalahanin. Mabigat, magaan, komplikado at minsan bitak-bitak. Hindi gaya ng gripo na maaaring paikot-ikutin at basta-basta na lang gagalawin. Bawal ito hawakan kung wala kang lisensiya, mamaya madisgrasya ka pa. Iba-iba rin ang klase ng manibela, kapag nakakabit sila sa excavator mas malaki ang wangis nila, habang ang golf cart naman ay mas maliit lang.
Ito ang paulit-ulit na monologo ni tatay kapag kasama niya si Emman, kasangga siya ni tatay sa ulan, init at pagtirik sa baha. Hindi mo na maalis kay tatay na mas paboran si Emman. Minsan, mas pipiliin niya si Emman na kasamang kakain dahil hindi niya kami masasaluhan. Napupuno na rin ng pawis ang kwelyo ni tatay kapag uuwi siya pero ayaw niya pa rin humiwalay kay Emman, sabi niya hindi raw niya kakayanin kung mawawala ito.
Kabisado ko na ‘yan, anim na taon pa lang ako, bumabangon na si tatay bago pa tumilaok ang manok. Iiwan niya kami ni nanay ng kaunting pera tapos susunduin niya ako sa gate ng paaralan tuwing hapon, malamang kasama pa rin si Emman. Minsan, nakatulog ako sa sala at narinig ko ang sigaw ni tatay, naaksidente raw si Emman. Pati ang tatay, nagkasakit din noon. Nanlumo siya kasi may bumangga sa kanila papasok sa Sandigan. Kahit parang masama ang timpla ng araw na ‘yun kay tatay ay si Emman pa rin ang nasa isip niya.
Si Emman ang dyip na bumubuhay sa amin, ang mainit at lumang dyip na ayaw bitawan ni tatay. F