Biyernes Santo

Athena Juno Cajucom/THE FLAME

salitan sa amin ng paglingap

si inang at ang araw

hirap silang mapagkasya

ng payak naming tahanan

 

araw-araw, nanakawin ng traysikel

ang payak naming dingding at lampara

ibabato sa dyip, sa tren, sa kalsada

para tuntungan ng panginoong Maynila

 

sa kanyang pag-uwi, lupaypay ang ngiti

ang hangad kong yapos, pawang sasandali

itataktak ang pagkaing munti

sa aming pinggang palaki nang palaki

 

gayunpaman, paminsan-minsan, 

kasabay ng taglagas sa aming bakuran

gigising siyang hindi daglian

at maaabutan kong nasa higaan

 

sa kanyang pagbangon,

ibubukas ang telebisyon

sa harap ang lahat ay magtitipon

sa inaalikabok na naming kutson

 

kagaya ng dating paggunita

tumayo ang pari sa gitna

ina, narito ang iyong anak

anak, narito ang iyong ina F 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us