maleta’y balot at may pangalang sigaw
pinagugulong palayo sa tahanan
ng kamay na naglalagalag sa paliparan
sa muling pagpatapon sa malayong lunan
kakatok sa kapalaran, hihiling ng sagana
kaakibat ay litrato lang ang makapipiling
nang ilang taong ngayon ang simula
buhat nang tumalikod sa mga abang supling
sa bawat lapad na ipararating
ay silid na pilapil ang landas pa-kutson
taglay ang mga bagay, paalalang bitbit
at mga unti-unting napupunong kahon
kapalit ng pasalubong, masarap at matamis
ay pakikipagbunô sa himagsik ng sikmura
yapos ng ilang patong na pangginaw
habang nag-iipon ng may-tatak na damit
pampalubag-loob ang may araw na laan
handog sa mga manggagawa ng bayan
pabuya sa hirap na hindi naiibsan;
Sanggalang ng bansa ang karalitaan.
sa hinagap ng mapangaraping saksi
saan pinanday ang isip, doon magsisilbi
uusbong ang pagkain sa katutubong binhi
at hindi na taunan ang salitang “pag-uwi”
ang masákit na paglisan sa pugad
ay tugon sa tadhanang salapi ang gumuhit
kung ibon ma’y may layang lumipad
mayroon ba siyang layang manatili? F