ISANG BAGAY na hindi natin maikakaila ay ang takbo ng oras. Kadalasan, hindi na natin pinagtutuunan ng pansin ito, sapagkat sari-sari na ang mga nagaganap sa ating buhay.
“Ang bilis ng panahon, ‘no?” wika ni Gemma. “Parang kahapon lang, nagkakagulo tayo sa mga grades natin. Tapos bukas…” unti-unting humina ang kaniyang boses.
Patuloy naming pinanood ang pagdilim ng aming paligid; ang kaninang makintab at madilaw na araw ay mamula-mula na ngayon. Nagsimula na ring umuwi ang mga tao.
“Nakakatakot,” bulong niya, habang ang mga mata niya ay tila ba nakatingin sa kawalan. “Ang daming puwedeng mangyari pagkatapos ng seremonya bukas.”
Ilang oras na lamang bago namin suotin ang aming mga toga at magpaalam sa isa’t isa. Walang permanente sa mundo, at sa palagay ko, walang mas nakakatakot sa kaalaman na puwedeng mawalan ang isang tao sa isang kisap-mata.
“Marami nga,” aking sinimulan. “ Pero lahat ng iyon, masasabi lang natin na ‘maaari.’”
Sa puntong ito, tumingin si Gemma sa akin, habang patuloy kong pinapanood ang paglubog ng araw.
Wala siyang sinabi pagkatapos kong magsalita. Binalik niya ang tingin sa araw na kaunting lubog nalang ay hindi na namin matatanaw.
Lumipas ang ilang minuto bago ko muling binuksan ang aking bibig.
“Puwedeng matakot, ngunit hindi dapat tayong magsalita ng tapos,” wika ko.
Habang kami ay nakaupo sa damuhan, marami ring pumasok sa isipan ko. Ngunit, isang bagay ang nagpatibay sa aking kalooban.
“Ang kapalaran ay hindi dapat kinatatakutan. Kailangan maniwala ang isang tao na maaabot at maaasam niya ang buhay na hindi siya bibiguin,” dagdag ko.
“Alas singko na pala,” ang sagot ni Gemma.
Lubog na ang araw, ngunit sa ilang oras lamang ay muling sisikat, maninilaw at mangingintab ito. Dahil ang araw ay lumilipas, pero hindi nagwawakas.
Tinignan ko siya at ngumiti, “Malayo pa ang oras.” F