Suring Basa: Kondenado ni Paul Castillo

Photo grabbed from UST Publishing House’s official Facebook page

PINAGTITRIPAN TAYO ni Paul Castillo.

Kinakalikot niya ang bawat gunita natin sa pandemyang minsang nilimot. O tinatangka pa ring malimutan hanggang ngayon. Sa lengguwaheng Gen Z, ang ating mga core memory.

Sa pagkakalikot ng mga alaalang ito umiikot ang unibersong umaalpas sa kaniyang likhang kuwadrado: ang kaniyang aklat na Kondenado (2023, UST Publishing House).

Alam naman na natin ano ang nangyari noon: lockdown, quarantine pass, katahimikan, buryong, ayuda at iba pa. 

Ngunit ang hindi natin nababatid – at siyang matatalastas sa mga tula ni Castillo – ay hindi natin lubusang nalaláman ang nilalamán ng bawat dinanas natin.

Ang ginhawa sa pagbaybay ng mga ambulansiya sa kalsada sa gitna ng isang pandemya (Ambulansiya, p. 23), ang pribilehiyo na makalabas sa gitna ng lockdown (APOR, p. 41), ang aliw na dulot ng simpleng basketball court (PAC-MAN, p. 49) at mga Zoom meeting (Sa katahimikan ng mga kuwadro, p. 85).

Sa koleksiyon ng mga tulang ito mamamasdan ang pag-iral at tunggalian ng loob at labas. Tunggaliang nagpapakita sa atin ng malulumbay at malulumanay na dalumat sa pandemya.

Ang persona ay nakakulong sa loob. Gayon din, ang labas: nakakulong sa sarili nitong kalooban. Lumalabas din naman ang persona. Humihigit sa kuwadradong selda, nagiging labas.

Halimbawa na rito ang Metro (p. 89) na nagtatampok sa isang personang mistulang itinuring nang meditasyon o hindi kaya ritwal ang arawang pag-eehersiyo sa tuktok ng isang gusali.

Nailahad din ang halaga ng pagkakaroon ng katuwang sa pagsalubong sa kinabukasang hindi sa isang lungsod na dahan-dahang binabalot ng sakit (Sa Paraiso, p. 107).

Nariyan din ang pagsasalarawan ng ating kuwarantina sa pamamagitan ng kalangitan (Agaw-Dilim, p. 6) at kadiliman (Laot, p. 7).

Ang tunggaliang loob-labas ang nagpapamalas ng rikit at dikit ng mga karanasang-pandemya na nakapaloob sa talinghaga ng mga tula. 

Mga karanasan na minsan nating pinagdaanan at marahil ay pagdadaanang muli.

Ipinagkakaloob din ng mga tula ni Paul ang kalooban ng mga mumunting bagay sa labas. 

Ang kidlat (Dagitab, p. 19). Ang usok (Kapag May Usok, p. 21). Ang mga ibon (Birdwatching, p. 27). Ang bubong (Bubong, p. 39).

Mga bagay na noon ay ipinagkikibit-balikat lamang natin. Iniitsapwera. At kung babalik-tanawin, ito ang mga mumunting bagay na naging sandigan natin – at ng ating katinuan.

Tulad ng Home Service (p. 97) na magpapatanto ng isang pagninilay sa pagpapagupit: isang mumunting gawi noon na naging pribilehiyo nang dumating ang COVID-19. Ang kapanatagang nadudulot ng mga food delivery rider upang maibsan ang ating mga gutom (Koreo, p. 53) at ang pagkakaroon ng panahon upang makapagdili sa ating mga karanasan (Meditasyon, p. 65).

Mapapansin din ang pag-iibayo at pag-iibang anyo ng persona sa bawat bahagi o kabanata ng koleksiyon. 

Umiikot sa punto de vista ng manunula ang Una, samantalang maaaninag ang punto de vista ng ibang tao sa Dalawa.

Sa Dalawa’t Kalahati, tinatawid ng persona ang humihigit sa kaniya: ang katanungan ng pag-iral. Ang tanong na babasag sa hanggahan ng loob at labas: Paano kung ang lupa ay langit at ang langit ay siyang lupa? (Para Nang Sa Langit, p. 69)

Sa huling kabanata – sa Tatlo – masisilayaan ang personang lumalabas, pumapasok, umaalpas at bumubulusok sa mga pangyayari at espasyong mismong nasilayan at nadanas natin noon. Zoom meeting. Magpagupit. Mga tambay sa bubong. Mga halaman. Ang elevator.

Muli, sa wika ng Gen Z: tumatagos sa pader ang persona.

Namumutawi rin ang tatas at dulas ng wika ni Castillo sa koleksiyong ito.

Nakapupukaw-pansin ang mga paglalaro sa salita sa karamihan ng kaniyang mga tula. Mabisa ang mga ito sa pagbibigay buhay sa mga katagang naging kabalikat ng pandemya. Mainam sa paghahalukay sa mga emosyong buhat ng pandemya. 

Tulad ng mga sumusunod: kaluluwang nagluwasan (Agaw-Dilim p. 5), pananaw habang pumapanaw, sumasampal sa Sampaloc (Dagit, p. 11), tabi-tabing tabing (Lightshow, p. 15), papawirin upang pawiin (Triptiko, p. 17), hindi maiipit ang kagipitan (Ambulansiya, p.  23), harangin… ang hangarin (p. 75), mairaraos na ang oras na rosas (p. 79), parusang pararausin sa kapirasong paraiso (Paraiso, p. 107) at iba pa.

Lalong rumurubdob at rumurupok ang talinghaga ng mga tula ni Castillo sa pamamagitan ng kaniyang mga kuhang retrato. Nagiging pasilyo sa pagitan ng mga danas ng mambabasa at may-akda ang kaniyang potograpiya. Sa ganitong pamamaraan, naitatawid ang karanasang marahil naging mailap sa iilan.

Tulad na lamang ng mga kuha sa Para Nang Sa Langit (p. 69) na nakapagpapakita ng pagbabago ng emosiyon sa pamamagitan ng pag-iibang kulay ng langit.

Ang linyang “Batid na laging maiiwang bukas ang lunggati nating lumabas” (Kuwadro, p. 25) ay lalong nabibigyang-diin dahil sa retratong katambal nito: isang sulyap sa kung ano ang namamasdan ni Castillo sa mga puntong iyon.

May dala ring mga kuwento ang mga retrato sa Rebanse (p. 43) at Oasis (p. 51) na siyang lalong nagpapatingkad sa mensahe ng mga tula.

Marahil, may lugar pa rin sa ating ulirat ang aklat na ito maski apat na taon nang lumipas ang pandemya. Pinaaalala ng Kondenado sa atin na ang parusa nang nagdaang COVID-19 ay hindi pa tapos.

Hello FLiRT variant?

Nananatili at mananatili sa ating ikinondenang buntong-hininga ang salamisim ng nagdaang pandemya.

Sa punto ngang ito lalabas mula sa pintuan si Nostalgia (karakter mula sa pelikulang Inside Out 2) at bibigkasin ang mga katagang: those were the days.

At ito ang trip ni Castillo – a trip down memory lane. – F

 

Si Jasper Emmanuel Arcalas ay isang Tomasinong mamamahayag.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us