PUNUAN ANG mga dyip na mula Novaliches kaya sa hagdan na nito ako napaupo. Kung tutuusin, sa harap ng langit na kahel-lila at bugso ng mga kabataan at trabahador na umaapaw sa bangketa, himala nang wala pang nakasabit.
Sa likuran ay nakapila ang marami pang sasakyan na sinisingitan ng mga motorsiklong halos banggain na ang mga paa ko. Sinasalo ng tainga ko ang mga businang tila nagrereklamo, bagama’t wala naman akong kasalanan sa aming sama-samang pagkaipit.
Sa tuwing may bahagyang pag-usad sa unahan na hindi ko nakikita, dahan-dahan ding nanginginig ang kinauupuan ko.
Lubha kaming nag-iingat sa paggalaw para lamang hindi maatrasan ng hamak na dyip ang alinman sa mga sumingit na motorsiklo o makinis na sasakyan.
Mahal nga namang magpagawa, at hindi lahat ay napakikiusapan. Mas madaling mag-ingat kaysa magpasubali ng bintang.
Samantala, humihigpit naman ang kapit ko sa hawakan, takot na malaglag ang paa. Sa kakarampot na pag-abante, ang katawan ko ay parang kinakaladkad paakyat habang hinihila rin padausdos sa lapag.
Sa tagal ng biyahe, inabutan na kami ng labasan ng trak. Napuno ang paligid ng tunog ng pito at nakakabinging busina. Nagsingitan nang nagsingitan ang mga traysikel hanggang sa walang makaraan.
Nagpandanggo ang mga sasakyan, salitan at unti-unting gumalaw. Sa pag-iingat ng tsuper na hindi makaatras, ang kotse sa harapan naman ang nabunggo niya nang bahagya. Dagliang kumagat ang preno at nagkatotoo ang pangamba ko: nahila ang aking braso at napadaudos ako ng kaunti.
Sa huli, nakauwi rin naman kaming lahat… na bad trip.
Ligtas naman sa lugar namin. Sumunod ka lang sa agos. F