
Dadapo ang mga mata sa kisameng puti at dilaw,
Uhaw sa atensiyon ng pusong sa baba dumudungaw.
Pasukin ang bahay mong sinimulan,
Sa ibabaw ng marmol, doon huling dadasalan.
Binuhusan ng tubig na nagpalamig sa ugat,
Iyak ng mga anak sa dasalan ang maghuhudyat,
ng dugong hindi na mahanap ang hudyat
upang pagalawin ang mga hitang naninilaw.
Susubukang papintigin ang bawat kalamnan at ugat,
hinahanap ang kaparehang boses na dumudungaw
mula sa taas. Magtitipon ang nahatulan at dadasalan
ang anak niyang pag-isahin ang nahiwalay, at tapusin ang nasimulan.
Sa kapilyang tago itutuloy ang mga salita na sinimulan.
Katawang galing sa abo’y narinig na ang hudyat
ng langit. Sa bawat kabig ng kamay sa tono, siya ay dudungaw,
babantayan ang mga ibon na lumalapit sa rebultong dilaw.
Mga nabuksang talukap, siya nama’y dadasalan.
Hahanapin ang bakas ng buhay sa nanlalamig na ugat.
Bulong ng hangin ang gigising sa natutulog na pananalig ng ugat.
Ang dating bingi ngayo’y nakikinig sa awit na sinimulan.
Sa labas man o sa loob, ang lalapit ay magdadasal at dadasalan.
Pasisilungin ang tumatakbo sa nagbabadyang hudyat
ng pagdududa. Nagtatago sa yakap ng kisameng dilaw.
Matapos ang lagim, kaya na ng matang dumungaw.
Lumuluha ang nagbabalik. Sa kisame nakadungaw,
kumakabog ang dibdib, nanghihina ang tuhod at ugat,
dumadaloy ang luha sa mantel na kulay dilaw.
Panatang binabanggit ay hindi na ganap na sinimulan.
Sa mga kampanang umaalingawngaw hinahanap ang hudyat
ng bagong propesiyang sa lugar na dati’y hindi dinadasalan.
Sa Linggo lahat ng nanatili at nagbalik ay dadasalan.
Sa Krus lahat ay yuyuko, luluhod at padudungawin.
Sa kaloob-looban hahanapin ang hudyat.
Sa balat ipadadama ang nabubuhay ng ugat.
Sa mga lumisan yayakapin at muling magsisimula.
Lahat ibababa ang ulo sa anino ng dilaw.
Mga abo na nakahilera sa altar ay dadasalan.
Ang mga luha’y hindi na muling sisimulan,
Muling naisilang ang dugong dumadaloy sa ugat. F