Photo of the Week (09/11/2016)

Photo of the Week

Tanaw

Pinagmamasdan ko ang namumutla mong mga pisngi habang tumitingala ka upang tignan ang pinakatuktok na gulong ng umaandar na ruweda. Kinakagat mo ang iyong labi bilang pahiwatig na nagdadalawang isip kang manatili sa pila sa tabi. Maaaring hindi mo napapansin ang ngiti kong nagbibigay-katiyakang magiging ayos ang lahat at makakabalik tayo sa mismong lupang ating tinatapakan. Maaaring hindi mo nararamdaman ang paghigpit ng hawak ko sa iyong kamay habang papalapit tayo nang papalapit sa gulong na sasakyan dahil sa iyong pagkabalisa sa matataas na lugar.

Nasa unahan na tayo ng pila nang ibaling mo sa akin ang iyong atensyon. Bago ka pa mag-umpisang magsalita, inuusig na tayo ng konduktor na pumasok sa gulong na walang laman. Magkatabi tayong umupo sa loob.

Nakaluhod ako sa upuan at nakatingin sa bintana sa likuran mo. Ikaw naman ay patuloy na nakaupo at nakaharap sa kabilang direksyon. Hindi ko mapigilang makonsensya dahil napilitan kang pumayag na samahan ako upang makita ang kabuuan ng parke mula sa itaas. Isang mahinang “pasensya na kung ‘di mo nagugustuhan ang tanaw,” ang lumabas sa bibig ko.

Hindi ka sumasagot, patuloy lamang na nagmamasid sa akin na nakayuko’t nakatanaw sa labas ng bintana. Siguro nga’y namumutla na rin ako at kinakagat ko na rin ang labi ko upang pigilan ang panginginig ng aking mga ngipin sa mababang temperaturang kaakibat ng mabagal na pagdating ng gulong sa rurok. Sa pagitan ng mga sakayang panlibangan sa ibaba at ikaw na nakatingin sa akin sa gilid ng aking mata, hindi ko alam kung aling tanaw ang mas nakakapigil-hininga habang panandalian tayong nakatigil sa tuktok ng ruweda. F

Words by DIANNE ALYSSA A. AGUIRRE

Photo by KATHLEEN MAE I. GUERRERO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us