Kislap ni Haliya

likha ni ARRIENNE JAN A. ENRIQUEZ

TILA nag-agawan ang liwanag at dilim nang pumaimbulog ang higanteng ahas na si Bakunawa mula sa kailaliman ng dagat, habang sa himpapawid naman ay pabulusok na winawasiwas ng diyosang si Haliya ang tabak niyang balot sa ningning at liwanag. Si Haliya, na siyang sumasagisag sa lakas ng kababaihan, ay matapang na itinarak ang tabak sa bunganga ng halimaw upang pigilan itong lapain ang natitirang buwan, ang huling bukal ng liwanag na siyang gabay sa gabing tigmak sa kadiliman. Mula noon ay hindi na natapos ang laban ng diyosa at ng halimaw. Patuloy ang digmaan ng dalawa—liwanag laban sa kadiliman. Kapag ang gabi ay mapanglaw at maliwanag ang buwan, hudyat ito na ang halimaw ay umuwing gapi sa bagsik at rikit ng diyosang mandirigma.

Para sa mga sinaunang Ibalon, naging sandigan ng kababaihan si Haliya; mga kababaihang hawak ay tabak at hindi alintana ang pagwagayway nito laban sa mapang-aping sistema. Bagamat dumating man ang mga dayuhan at sinubok ang kanilang kakayahan, marami sa kanila ang nanindigan na kailanman ay hindi sila pasisikil sa kanluraning may baluktot na ideolohiya ukol sa kanilang kakayahan. Hindi lamang lakas ang pamana ni Haliya sa kababaihan, kundi pati ang pagiging isang ilaw ng tahanan na siyang bantay sa kanyang mga inakay, at bukal ng liwanag sa oras ng kadiliman.

Ang diyosa ay hindi lamang kumakatawan sa tunay na kapasidad ng kababaihang lumaban at humubog ng pamilya; bagkus, siya ay paalala sa lahat na sa gitna ng dilim, may liwanag tayong masasandigan sa katauhan ng bawat isa. F RYAN PIOLO U. VELUZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us