SUMAMBULAT ang nakasisilaw na liwanag mula sa mga mata ng diyos na si Apolaki at diyosang si Mayari nang magpamalas ang dalawa ng kanilang pambihirang lakas at kapangyarihan. Ito ay upang mapatunayan kung sino ang karapat-dapat humalili sa trono ng amang si Bathala. Sa huling hagupit ni Apolaki ay napuruhan ang isang mata ng diyosa; ang liwanag na dating nagbabaga ay naging tila kandilang nauupos at unti-unting nilalamon ng dilim.
Habang may giyerang nagaganap sa kalangitan, taimtim na pinagmamasdan ng mga mortal ang walang kamatayang liwanag na bumubukal mula sa asul na himpapawid. Hindi kumukurap at hindi nagmamaliw ang sinag sa kalangitan—tila inaalipin ang sinumang malingat sa taglay nitong hiwaga at karikitan. Maya-maya pa ay nagulantang ang sanlibutan nang ang liwanag ay unti-unting dumilim, lumamlam, at naging mapanglaw na ningning, na sa kalaunan ay siyang tinawag nilang “buwan.”
Balot man sa takot at pangamba, kapayapaan sa kaibuturan ng puso ang kanilang nadama. Hindi nagtagal ay tuluyang tinanggap ng sangkatauhan ang buwan at ang tungkulin nitong alalayan ang haring araw. Mula sa mahabang panahon ng pagkagising, ang mapanglaw na liwanag ng buwan ay hudyat ng pagpapahinga bilang paghahanda sa kinabukasan.
Noon nga ay naghari ang awa at pagmamahal sa puso ni Apolaki, dahil sa halip na angkinin ang trono, mas pinili niyang kilalanin ang tapang at paninindigan ni Mayari. Magbuhat noon ay natagpuan ng dalawa ang tamang balanse at magkasamang pinamunuan ang sansinukob: si Apolaki na siyang araw sa umaga at si Mayari na siyang buwan sa gabi. F RYAN PIOLO U. VELUZ