Giyera ni Urduja

art by YANNI KAYE A. WINGARS

MARARAMDAMAN sa paa ang tila pagyanig ng lupa—ganoon din ang unti-unting paglakas ng mga hiyawan na sa ritmong taglay ay mistulang musikang nagbabadya ng panganib.

Sa hindi kalayuan naman ay matatanaw ang burol na nagtatanghal sa ilalim ng bagsik ng nagbabagang araw. Ngunit sa pagkisap ng mata ay maaaninag ang hilera ng mga aninong unti-unting nagkokorteng babae at kabayo: ito ang hukbo ng magiting na si Prinsesa Urduja.

Sa tuktok ng burol ay panandaliang huminto ang kawan at pumorma; sa katayuang ito ay tuluyan nang naabot ng kanilang anino ang paanan ng burol kung saan naglulungga ang mga kalaban: mga tulisang nagnanais sikilin ang kahariang sa mahabang panahon ay ipinaglaban at pinagyaman ng prinsesang mandirigma. Sa hudyat ng kanyang matalas na tingin at espadang matalim, sumugod nang buong tapang ang hukbo habang winawasiwas ang kanilang mga sandatang tila mga supling ng araw kung kuminang at sumilaw.

Hindi nagtagal ay nagtuos ang dalawang puwersa— lupon ng mga kalalakihang tulisan laban sa mga amasonang palaban. Kamangha-mangha ang istilo ng mga kababaihan sa digmaan; ang bawat wasiwas ng kanilang mga armas ay tila indayog ng kagandahan, at ang paglapat naman nito sa balat ng kalaban ay mistulang talulot ng rosas na humahaplos dahil sa katas ng dugo na kumikintal.

Nanaig ang puwersa ni Urduja. Bilang anunsyo, itinarak niya sa bato ang espadang tigmak sa dugo at tumayo sa taas nito. Kanyang minasdan ang paligid at sumulyap nang bahagya sa araw. Pagtapos ay binunot niya ang espada at itinanghal ito sa kalangitan. F RYAN PIOLO U. VELUZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us