Pagbangon

photo by ELIJAH JOHN M. ENCINAS/ THE FLAME

NAKASANAYAN na niya ang init ng araw na bumabalot sa kanya. Malakas ang tagaktak ng kanyang pawis; ito ay nagsilbing patunay sa malupit at nakakapagal na walong oras niyang pagkakayod.

Tulad ng dati, binalewala niya ito at nagpatuloy sa pagbabanat ng buto. Ganito ang takbo sa gulong ng kanyang buhay. Tuluy-tuloy nga sa pag-ikot, ngunit wala namang patutunguhang direksyon.

Mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon, ang tanging tanawin niya ay ang magkakamukhang hitsura ng mga katrabaho kasama na ng pinaghalu-halong amoy ng pawis.

Tumingala siya at pinagmasdan ang mga ulap. Dumayo ang kanyang isip tungo sa ibang lugar at dahan-dahang kumupas ang mga tinig ng kanyang kapaligiran.

Para kanino ba siya nagtatrabaho? Para kanino ba siya nagpapatuloy?

Ito ba ay para sa kanyang sarili? Umiling siya at napangiti na lamang sa lungkot. Matagal nang iba ang kanyang pinagtutuunang-pansin imbis na sarili.

Sa kanyang pagkakaalala, trabaho lamang ang nag-iisang bagay sa isip niya. Bigo man sa kanyang mga pangarap, nagsilbi naman itong paghikayat upang magkaroon ng panibagong motibasyon sa buhay.

Palubog na naman ang araw – ito ay hudyat upang umuwi na sa kanya-kanyang mga tahanan.

Bukang-liwayway, hinaharap niya ang iba’t ibang hamon ng buhay.

Dapit-hapon, sa kanyang pag-uwi ay sasalubungin siya ng mga nakagisnang mukha. Mapapagtanto niya na ang hinahanap kanina ay abot-kamay lamang. Kailangan lamang itong alalahanin.

Para kanino ba siya bumabangon? Para sa kanyang pamilya. F MHERYLL GIFFEN L. ALFORTE

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us