Ningning

photo by FRANCESCA MARIE G. IGNALAGA/ THE FLAME

Kawangis ng mga kumikinang na ilaw sa Lover’s Lane ang iyong mga mata. Sa unang beses nating pagkita, tanda ko pa na hindi maganda ang panahon. Umuulan, madilim ang himpapawid at nakamulagat na ang buwan ngunit nakaramdam ako ng kislap na nagsilbing ilaw ko sa aking daan.

Ilang buwan nga bang naitago ang ating pagsasama? Tanging mga puno lang ang saksi sa ating dalawa. Sa kabilang bahagi ng mayabong na palumpong, nakahawak ka sa aking kamay habang ninanamnam ko ang tamis ng mga salitang namumutawi sa iyong labi.

Sa pagtuloy ng ating mga tagpuan, nasaksihan ko ang unti-unting pagkawala ng kislap na nahanap ko sa’yo. Inakala ng isang mangmang na ito’y magtatagal; ngunit sa huli, ito pala ay mapupundi lamang at mandidilim.

Napawi ang daan na tatahakin kasabay ng iyong paglisan, at nawalan ng kahulugan ang aking pakay—hindi malaman kung aatras o aabante. Ilang buwan din ang nagdaan sa aking pagpapahilom dulot ng kawalang kaliwanagan.

Nang lumaon, dumating din ang oras na napagtanto kong hindi ko na kailangan pa ang iyong lingap, at ang ilaw na aking hinahanap ay hindi ko pala lamang matatagpuan sa’yo.

Nasasabitan na ng mga kumikinang na palamuting pampasko ang mga puno, at sa aking daan, hindi ko na hinahanap-hanap pa ang nawawalang minsan ay naging akin. Tanaw ko ang ningning ng mga ilaw na nagbibigay liwanag sa daanan.

Wala na ngayong pumapatak na luha. Malinaw ko nang nakikita ang daan upang magpatuloy. F PATRICK V. MIGUEL

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us