Walang Pag-ibig sa Dinuguang Lupa

photo by FRANCES MARIE G. IGNALAGA/ THE FLAME

SHOOT to kill,” sabi sa telebisyon. Nangyari nga ang kinatatakutan ng marami. Ang mahihirap na walang kalaban-laban sa kalupitan ay tinanggalan ng karapatan habang nakaluhod, at tinutukan ng dulo ng baril. Hindi nagtagal, sumunod ang alingawngaw ng pagputok at dumanak ang dugo na parang ilog sa kalye. “Nanlaban,” kabulaanan ng dahas.

Dura lex, sed lex,” sabay-sabay nilang binanggit kahit na hindi alam ang ibig sabihin. Dura lex kapag ito ay para sa mga taong nasa ilalim ng tatsulok, at sa selda o bala ang huling hantungan. Maliban na lang kapag mayaman at makapangyarihan, dahil kapag puno ang bulsa salapi, “compassion” ang binibigay. 

Brrrt brrrt,” dinig mula sa telebisyon, at naghiyawan sa tuwa ang mga bulag. Kawangis nila ang lata na walang laman at kung sabay-sabay na kinalog, ay napaka-ingay. 

“Sumunod ka na lang kung talagang mahal mo ang bansa,” sigaw nila. Isa-isa nilang hinalikan ang mga paa ng alagang tuta ng banyaga, at pagkatapos ay tuluyan na nilang tinalikuran ang nangangailangan.

Kapag tuluyan nang sinundan ang mapanlinlang at piniling pagtaksilan ang masa, ang tinubuang lupa ay babaha ng dugo mula sa hunos ng mga pinaslang mula sa hukbo ng karahasan. Sa oras na lubos nang sumakop ang kadiliman, wala nang pag-ibig sa dinuguang lupa. Lilisan ang mga malayang ibon, at ang naiwan na lang ay ang kanilang mga anino

May pinagkaiba ang pag-ibig sa bansa sa bulag-bulagang pagmamahal sa idolo. PATRICK V. MIGUEL

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us