Hindi matatakpan ng mga makikinang na ilaw
o malalambungan ng dilim ng gabi
ang bawat kalsada at eskinita
na iniikutan ng mga maniniil at mapang-api.
Katulad ng mga banyagang imperyalistang
sa ating mga daungan ay tumuntong noon,
dala nila ay pagbabanta sa buhay at kalayaan
ng inosente man o naglakas-loob lumaban.
May mga tila ipis sa pagkaripas ng takbo;
tahimik na kinukubli ang mga sarili sa sulok
habang ang iba ay masugid na tinatahulan
mga manloloob na inaakyat ang tarangkahan.
Kalayaan ng kayumanggi ang sigaw—
sumanib sa rebolusyon na puputol ng tanikalang
sa atin at sa mga mananakop ay tumatali,
tanging mga sandata ay pluma, tinig at kamao.
Nang ang kasarinlan sa wakas ay nakamtan,
mga bayani ay binansagan—nilagay sa pedestal.
Kanilang mga pangalan at ambag sa himagsikan
sa kasaysayan ay permanenteng naukit.
Ang aspaltong kanilang minartsa
muling tatapakan ng libu-libong mga paa.
Noon at ngayon, masasaksihan
ang kalsada ay ginawa para sa pakikibaka.
Bagong henerasyon ng mga bayani
ang sa ating panahon ay pararangalan.
Rebolusyon ang nakaamba
dahil aalingawngaw ulit ang tawag ng kalsada.
Matingkad na hanay ng pulang ilaw
manggigising at mangangalampag.
Bantang dala ay ang muling pagdanak ng dugo
sa tinubuang lupang minsan nang pinagtanggol.
Muli nitong masasaksihan ang pag-alsa;
plakard sa halip na tabak,
poot sa halip na pasensya.
Unti-unti, ang pag-alpas ay abot-kamay na. F DENISSE P. TABOR