Natigilan siya. Sa paligid, tahimik din ang buong gubat. Mistulang nakatitig ang mga puno, gaya ng lalaki.
Sapagkat sa harap niya, umuusbong na ang bulaklak.
Nanumbalik sa utak niya ang mga sabi-sabi.
“Mala-perlas ang mga mata nila, kasingpula ng makopa ang mga labi,” kwento ng isang matanda.
“Iyong mga nakabingwit doon, masarap ang buhay— hindi na bumabalik,” bulong ng isang lalaki. “Kasi ‘yong mga babae rito, kulang sa biyaya!”
“Sa kalagitnaan ng gubat…”
Sinapawan ang mga boses ng lumalakas na pintig ng kaniyang puso.
Bawat pulang talulot ng bulaklak ay unti-unti nang bumubukadkad. Sa kasukdulan ng pagbuka, biglang nabalot ng liwanag ang paligid.
Nang muling makakita, tumahip ang kaniyang dibdib.
Mula sa tangkay ng rosas, nakatayo ang isang babae; mapang-akit ang tingin at ngiti.
Nangatog ang tuhod niya habang binabalot ng kakaibang init ang kaniyang katawan. Gayon pa man, tumungo siya sa dalaga.
Subalit nang makalapit, saka lang niya namataan ang tangan nito: isang malaking tinik, kumikislap sa talim.
Itinaas niya ang sulyap sa mukha ng dalaga ngunit hindi na nadatnan ng mata ang ninanais. Walang bakas ng kaninang ngiti roon. Tanging mapangahas na ngisi ang naiwang naglalaro sa kaniyang labi.
Tumindi ang kabog sa kaniyang dibdib pati ang nginig sa tuhod, ngunit sa ibang dahilan.
Tumigil na ang daloy ng kaniyang isip. Naramdaman na lang niya ang bahagyang agos ng init mula sa tiyan hanggang sa paanan.
Sa huling sandali bago siya pumikit, pinuno ang tanawin niya ng mga rosas— mapupulang batik sa lupa. F FATIMA B. BADURIA