
UMANI ng samu’t saring batikos ang aktor ng nagsalita siya tungkol sa isang aktres na ina nang kanyang anak.
Nangyari ang panayam sa kanyang tahanan, kung saan siya naninirahan ng maraming taon.
Kung wala kang nakitang mali sa mga pangungusap sa itaas, baka kailangan mong balikan ang mga aralin mo sa Filipino.
Pero paano kung nagtatrabaho ka sa media at kailangang mabilisan ang paglabas ng impormasyon?
Sa mga ganitong sitwasyon makautulong ang mga makabagong teknolohiya kabilang na ang AI o artificial intelligence. Isa sa mga Filipino grammar checker na inaasahang makatutulong sa mga nais magwasto ng kanilang mga akda ay gawa ng mga Tomasino.
Nagsimula ang website na ABKDa bilang proyektong pananaliksik nina Arianne Ashley Manaog, Julia Melle Pascua, Lance Bernardino at Miguel Carlo Fajardo, mga nagtapos sa UST College of Information Computing Sciences.
Bukod sa pagpapahusay ng grammar checking, nais din ng mga bumumo ng website gawin itong kasangkapan sa pagkatuto upang lubos na maintindihan ang diwa ng lenggwahe.
“Hindi lamang namin gustong sabihin sa user kung ano ang mali, kundi gusto rin naming ipaliwanag kung bakit ito mali at kung paano ito maitatama,” sabi ni Manaog sa isang panayam ng The Flame.
Hindi pa naisasapubliko ang ABKDa, ngunit tiniyak ng grupo na hindi nagtatapos sa tesis ang proyekto. Nais pa rin nila itong ipagpatuloy at paunlarin upang magamit ng lahat.
Kabilang sa plano nila ang dagdagan ang mga kagamitang pang-edukasyon at palawakin ang kakayahan ng ABKDaupang maisama ang iba’t ibang estilo at gamit ng pagsulat sa Filipino.
Ayon sa isang dalubhasa sa wika at kultura, makatutulong ang mga Filipino AI grammar checker tulad ng ABKDa sa mabilis na pagwawasto ng mga sulatin sa gitna ng pangangailangan ng agarang pagbabahagi ng impormasyon.
“[Hindi] na maiaalis ngayon ang pangangailangan para sa mabilis na produksiyon at diseminasyon ng impormasyon. Kung hindi master ang napakaraming tuntunin may [website] nang magpapadali ng produksiyon ng mga teksto,” ayon kay Asst. Prof. Alvin Ringgo Reyes.
Binigyang-diin ni Reyes na malaking tulong ang ABKDapara sa mga hindi kabisado ang mga tuntunin sa Filipino tulad ng wastong paggamit ng “ng” at “nang,” pagbabaybay at pagbabantas dahil layunin nitong makatulong sa pagsulat ng angkop na wikang Filipino.
Gayunman, nilinaw ni Reyes na mas gumagana ang ABKDasa estandardisadong wika gaya ng mga akademikong sulatin, at hindi pa ganap na maaasahan sa mga tekstong pampanitikan at kaswal na pahayag.
“Masasabi kong nagsisikap ang (ABKDa) na mapataas ang integridad nito bagamat hindi natin masasabing ganap na itong maaasahan,” ani Reyes sa The Flame.
Aminado rin si Manaog na may malaki pang puwang sa pagpapalago ng proyekto dahil nagsimula lamang ito bilang pangangailangang akademiko na binuo sa limitadong oras.
“May mga pagkakataon din na maaaring magkaroon ng limitations ang AI sa pag-intindi ng mga malalalim na salita, idyoma, tayutay, lokal na ekspresyon at mga pangungusap na nangangailangan ng mas malalim na konteksto,” sabi ni Manaog.
Dahil dito, nais ng grupong palawakin ang Filipino language dataset ng ABKDa at magdagdag pa ng isang AI model na mas sanay sa mga tekstong Filipino at lokal na ekspresyon.
“[Makatutulong] ito upang mas maunawaan ng system ang mga idyoma, tayutay at iba pang linguistic nuances na maaaring hindi palaging ma-handle (mahawakan) nang maayos ng isang AI,” dagdag ni Manaog.
Ayon Kay Reyes, dapat gamitin ang teknolohiya upang higit pang palakasin ang intelektuwal na aspekto ng Filipino sa iba’t ibang anyo ng komunikasyon.
“Mahalagang behikulo ang teknolohiya para mapalakas ng wika ang gayon niyang impact,” ani Reyes.
Kumbinsido rin ang mga bumuo ng ABKDa sa kakayahan ng teknolohiya mapalaganap ang paggamit ng wikang pambansa.
“Maaari nating gamitin ang teknolohiya bilang paraan upang mas mapalawak at mapayaman ang paggamit ng Filipino,” saad ni Manaog. F
