Isang Cola Para kay Lola

 

ISANG BASO ng kwek-kwek at paborito mong isaw,

pandesal na hinahanap mo tuwing umaga,

Clover Chips kasangga ng de-plastik na Coke,

disposable na may samo-samong ulam,

kaning kasing puti ng mga krisantemong bitbit

at kasing lamig ng iyong mga daliri,

karatig ng mga kandilang tila

mga dilang humihimod sa dilim.

 

Kung pinagsama-sama ko ba ang lahat ng ‘to

sa harap ng parihaba mong himlayan,

sapat na ba ang isang daang piso na pulutan

para umahon ka sa lupa?

Matatawaran ko ba ang isa pang araw sa mundo

kung kinabukasan, wala pa ring bawas

ang laman ng baso mo?

 

Tahimik ang pagbati ng hanging

dala-dala ang samyo ng lupa.

Paubos na ang pagkit na tinutunaw

ng pulang dahong nagliliyab.

Pinagmasdan ko ang mga nitsong dinaanan 

at naisip kita sa isang pares ng kutsara’t tinidor,

malinis at iniwan sa malamig na semento. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts