Ang Hupa: Pagwawaksi sa Huwad na Nirvana

By LORRAINE C. SUAREZ

photo from Unreel.ph

ANG HINAHARAP ay hindi pa nakataga sa bato. Samot-sari ang mga bagay na maaaring matupad, kaya naman hindi pihado ang mga pagbabagong mangyayari sa sandaling panahon, mabuti man ito o masama. Ito ang konsepto ng kawalang-katiyakan na hinaharap ng bawat isa sa araw araw, na siya ring nagbibigay motibo upang tumungo sa daan ng pagbabago.

Sa ilalim ng direksyon ni Lav Diaz, Ang Hupa ay sumusunod sa yapak ng mga una niyang likha tulad ng Ang Babaeng Humayo at Hele sa Hiwagang Hapis. Kabilang ang mga ito sa slow cinema – isang kategorya ng pelikulang natatangi sa mabagal na pag-usad ng naratibo at pagpapahaba ng mga eksena. Masasabing hindi ito pangmasa sapagkat matagalan din ang pagtakbo ng mga nasabing pelikula; sa Ang Hupa, ang oras nitong umaabot nang apat na oras at 39 na minuto ay umaapela lamang sa mga matiyagang manonood.

Nakatagpo ang kuwento sa hinaharap kung saan ang Pilipinas ay isa nang kakotopiang pinamumunuan ng hibang na presidenteng si Nirvano Navarra (Joel Lamangan) kasama ang kanyang mga alagad na sina Martha Officio (Hazel Orencio) at Marissa Ventura (Mara Lopez). Sa kanilang mga desisyon nakasalalay ang kahihinatnan ng bansa, at ang bunga ng kanilang mga galaw ay ipinapakita sa mata ng dalawa pang tauhan – si Hook Torello (Piolo Pascual) at si Haminilda Rios (Shaina Magdayao).

Tampok ang estilo ni Lav Diaz sa kanyang pinakabagong pelikula. Gayunpaman, ang kanyang nakagawian ay may kanya-kanyang kahinaan – isa na rito ang nakapirmi at malalayong anggulo ng kamera. Bagama’t naiintindihan naman ang daloy ng mga pangyayari, mayroong mga oras na hirap ang manonood sa pagtukoy kung sino ang aktor na kasalukuyang gumaganap sapagkat minsa’y nahaharangan ang mukha. Hindi rin gaanong nakatulong ang pagkulay nitong itim at puti; mayroong mga bagay na mahirap tanawin ng walang kulay. Bukod pa rito, pilit ang diyalogo sa pagitan ng ibang mga tauhan: bigo ito sa pagpapakita sa tinatamasang emosyon ng eksena. Samantala, ang simple at kakarampot na paggamit ng mga sound effects naman ay nagpapatibay sa realismo ng mga kaganapan.

Parehong kalakasan at kahinaan din ang pag-arte sa pelikula. Mahusay ang pagganap kay Navarra pati na rin sa mga tauhan nina Hook at Hammy na ginagampanan ng mga kilalang aktor. Subalit pagdating sa karakter ni Father Romero (Noel Miralles), daig pa ng haba ng kanyang linya ang madamdaming pagtugon na inani mula sa mga manonood.

Kinapos man sa paghatid pagdating sa larangan ng sinematograpiya, kahanga-hanga pa rin ang taglay nitong tapang sa paglalarawan ng mabibigat na tema katulad ng madugong karahasan, madaliang pagkalimot ng mamamayan, at ang kawalang-malasakit na lumalago sa lipunan ngayon. Sa mga diskurso nina Navarra, Martha, at Marissa ay saka naman natatalakay nang labis at lantaran ang mga nabanggit na paksa.

Datupwa’t, isang problematikong kaisipan na ipinapahiwatig sa pelikula ay ang kaugnayan ng homosexuality sa kawalang katinuan at moralidad. Ang mga karakter na nahahanay sa ilalim ng LGBT ay hindi nailalarawan sa magandang paraan. Halimbawa na rito si Navarra na kahit magaling man ang pagkakaganap, ay ginawa pa ring katatawanan dahil sa kanyang lihim na pagdadamit-babae at relasyon kay Mennen Reyes (Philip Heremans). Nasasama rin dito ang mapusok na relasyon sa pagitan ni Martha at Marissa na nabuo mula sa kanilang pakikidamay ng likas na pagkalupit ng kanilang trabaho.

Sa huli, binibigyang-diin ng Ang Hupa ang mga suliraning naoobserbahan sa kasalukuyan kahit na ito ay nakatagpo sa hinaharap. Hindi banayad ang pagsasalaysay nito ng katotohanan, at ito ang mismong nag-uudyok na tandaan ang mensahe. Maaaring katha lamang ang nilalaman ng pelikula, ngunit nagsisilbi itong babala sa mga posibleng mangyari sa kinabukasan tulad na lamang ng kabuuang paghupa sa pagsulong ng bansa. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us