Ang Halaga ng Sakit sa Niño: Ang Hilab ng Paghilom

By FATIMA B. BADURIA

Poster from Four Eye Films/Facebook

MAY MGA PAGHAHANGAD na minamabuting kimkimin ng ilan kahit wala itong bahid ng kasamaan. Dahil ito sa maaaring isipin ng ibang tao na bagamat nananatili sa kanya-kanyang kaisipan ay sadyang may pangil minsan. Bilang resulta, ang ibinabaong damdamin ay nagsisibol ng peligro. Sa una, paunti-unting sisirit ang mga emosyong nabubulok. Hindi magtatagal, bubuhos ito nang may hindi inaasahang bagsik.

Ito ang kwentong ipinamalas ng Four Eye Films sa Niño: Ang Hilab ng Paghilom na idinerehe ni Miguel Pascua. Pinamunuan ng mga estudyante ng communication arts sa Unibersidad ng Santo Tomas ang produksyon nito. Kabilang ito sa mga pelikulang kasalukuyang itinatampok ng Sine Reel 2021 na maaaring tunghayan sa iWantTFC. 

Ang ibinibidang si Niño (Adrian Cabido) ay isang binatang naninirahan sa isang dako ng Sierra Madre kasama ang kaniyang ama (Roznel Destajo). Bilang natatanging kasapi sa pamilya, si Niño ang tumayong tagapagtaguyod ng gawaing bahay habang ang ama niya ay nagtatrabaho. Subalit, hindi naging dahilan ang pagiging magkatuwang upang maging malapit ang loob nila sa isa’t isa.

Mithiin ito ni Niño: ang makaramdam ng pagmamahal mula sa ama. Ito ang kaniyang layunin sa pagsisipag sa bawat gawain. Subalit, hindi natutugunan ang nakatago niyang kagustuhan. Sa paglilihim niya ng damdamin, nagnanaknak ito na tila sugat. Patuloy itong sinasariwa ng kawalang pag-asa hanggang sa hindi na mapigilan ang pag-agos ng damdamin. Kay Niño, pisikal na dumadaloy ang dugo ng sugat na ito at gagawin niya ang lahat upang pahupain ang kaakibat na hilab, kahit sa mapanirang paraan.

Naglalaro ang kwento sa realidad na binubuo ng gender roles o ang pagkulong ng mga piling kaugalian ayon sa kasarian ng tao. Ito nga ang naging ugat ng pag-aatubili ng mag-ama na tahasang ipahayag ang damdamin –– ito ay katangiang karaniwang tinatawag na pambabae. Kaya naman, ang kawalan ng kababaihan sa kanilang pamilya ay nagdulot pa ng sakit. 

Bukod dito, mas tahasang inilalarawan ang isyung ito sa paksa ng gawaing bahay. Ibinoses ito ng babaeng kaibigan ni Niño na si Cielo (Mariel Valentin). Para kay Niño, ang paggawa nito ay ayon sa kagustuhan. Para naman kay Cielo, hindi mapagkakailang obligasyon ito.

Kaanib naman ng masidhi at madamdaming salaysay ay ang kahinahunang dala ng tanawing ipinasilay ng pelikula. Itinampok dito ang natural na aliwalas ng probinsyang ginaganapan at pinatibay ng kaugnay na mga likas na tunog. Sa ganitong paraan, epektibong naihahatid ang mga manonood sa nasabing lugar.

Hindi rin nalalayo ang mga manonood sa bawat kaganapan dahil sa lantad na husay ng mga kalahok na aktor. Sa lubos na pagdala ng mga karakter nila, lalong nakapupukaw ng interes ang pelikula. Higit pa rito, nakabubuo ito ng ilusyong pulos katotohanan ang mga pangyayari.

Subalit, may ilang eksena namang hindi naging malinaw. Sa panimulang takbo ng kwento, hindi nabigyang-diin ang desperasyon ni Niño para sa hanap-hanap na pagmamahal ng ama. Hindi ito nakabubuo ng motibong magtutulay sa kasasapitan ng karakter na mapanirang pagkilos sa sarili. Dahil dito, may mga sandali ng pagtataka at maaari ring panghuhula ukol sa mga pangyayari.

Gayon pa man, hindi bumigo ang pelikula sa pagpukaw ng kaisipan at damdamin. Sa maikling oras na takbo nito, nakapaglalahad ito ng sariwang kwento na matapos tunghayan ay aaligid pa rin sa isip.

Isang palatandaan ang pelikulang ito na nakaangkla na ang bawat buhay sa kinagisnang mga kaugalian, sa gustuhin man o hindi. Hindi maiiwasang sumuot ang mga hibla nito sa paghahabi ng kanya-kanyang mga kwento. Subalit, ang tauhan pa rin ang huhulma rito. Kung matunton man na ang kasukdulan ng kwento ay may labis na sakit, tiyak na ang susunod na eksena ay kung paano ito unti-unting mapagtatagumpayan. F

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us