ELIJAH JOHN M. ENCINAS/ The Flame
Sa kalagitnaan ng naghaharing araw, pumapaso ang init nito sa sinuman mangangahas na makipagsagupa sa natatangi niyang kapangyarihan. Tagos sa ulo ang kirot na dala ng liwanag ng iskrin kasabay ang mahalumigmig na ihip ng hangin. Kaya nilisan ko muna ang silaw ng laptop at hinubad ang nagpapalinaw sa aking paningin. Sa saglit pagpapaginhawa sa sarili, may nakita akong yaman na nagbigay halimuyak sa aking nakaraan.
Napansin ko ang natatanging laruan ko mula sa nakaraan na si Rukawa na nilalamon ng mga alikabok sa rurok ng salansanan. Pagkalinis nito, biglang gumunita sa aking isipan ang mga panahong wala pang problemang bumabagabag sa aking utak.
Napadpad ang mga eksena ng nakaraan, kung saan ang matamis na halik sa pisngi ng nanay ko ang nagbibigay liwanag sa araw ko. Pagkatapos ay dali-dali akong umupo sa harapan ng telebisyon para masubaybayan ang mga galaw ng mga iniidolong karakter sa Slam Dunk.
Sinasama ko pa sa aking tabi ang pigura ni Rukawa para mapawi ang kalungkutan sa panonood mag-isa. Napapabukas ang bunganga sa angking kagalingan nilang makapagdala ng bola patungo sa kanilang tagumpay.
Matapos maaliw sa palabas, magtatampisaw ako sa sinasakupan ng tirik na araw. Isinasama ko ang aking bola para makapaglaro kami ng aking mga kaibigan. Pumapasok sa aking isipan ang mga galawan nila Sakuragi para makaagaw ng puntos sa mga kalaban. Kapag napatid at nagalusan, agad akong aahon mula sa aking pagkadapa na walang bahid ng luha na pipinta sa aking mukha. Kahit hindi namin makuha ang tagumpay, ang mga alaalang nabuo namin ay isang premyong hindi mahihigitan.
O kay sarap gunitain ang mga yaman ng nakaraan! Sapagkat, ang sayang dala nito ay hindi mahihigitan sa kasalukuyan. Kung maibabalik man ang nagdaan, siguradong liligalig ako sa sikat ng araw. F RAMON CHRISTIAN G. PLACIDO