by FATIMA B. BADURIA
SA PAGITAN ng mayaman at mahirap, hindi mapagkakaila ang lubhang malaking agwat. Lagi, ang mga namumuhay nang mariwasa ay tila may sariling mundo sa tuktok ng mas malawak na daigdig. Mula sa kanilang kinatatayuan, nag-iiba ang tanawin nila ng nasa ibaba.
Minsan, sa kalayuan, lubos na nagbabago ang maliliit na pigurang nasisilayan ng kanilang mata. Tila nababawasan ang pagkatao ng mga mahihirap sa kanilang paningin. Sa panahong mas kinakailangan ang pagiging makatao, nananatili ang distansiyang ito sa kasalukuyan— dagdag sa hamon ng pandemya.
Sa maikling pelikulang idinerehe at isinulat ni Kevin Mayuga, ang Ate O.G. ay sumasalamin sa malaking puwang na pumapagitna sa mahirap at mayaman. Lalo pa itong tumitindi sa harap ng napapanahong krisis. Kahit walang pinipiling estado ng buhay ang epekto ng COVID-19, malinaw na may nakahihinga nang mas maluwag kaysa sa iba.
Sa gitna ng tumitinding pandemya, kaniya-kaniyang bahay ang tumatayong sanggalang ng bawat isa. Samantala, si Ate (Merle Cahilig) ay nakulong sa tirahang hindi niya matatawag na tahanan. Bilang empleyado ng isang binata at dalaga (Keenan at Kara Mayuga), hindi madali ang trabaho ng may kaedarang kasambahay. Panay ang bilin sa kaniya at sa bawat utos, halatang kulang ang paggalang sa kaniya. Hindi hamak na sa loob ng kanilang bahay, nangingibabaw ang kalawakan ng patlang sa pagitan ng karangyaan at kahirapan.
Sa kabilang banda, ang dalawang kabataan ay may iniinda ring mga suliraning pandemya ang pinag-ugatan. Kahit nakakaangat sila sa buhay, hindi nila matakasan ang mental at emosyonal na hirap. Subalit, tila ang mga naipong sama ng loob ay laging naibubuhos sa namamasukan. Dagdag ito sa bigat ng damdamin ng kasambahay.
Gayon pa man nangingibabaw ang panglaw sa kwento, hindi ito nagtatapos sa kasawiang-palad. Sa kabila ng kalungkutan, may mga bagay na dumadating na hindi inaasahang magbibigay-aliw. Kahit sa maliit at panandaliang paraan, napapawi nito ang pagod na hindi lang sa katawan ang kapit. Nakatatagpo rin ng mga tulay na nagdurugtong sa magkalayong mga katayuan.
Agaw-pansin sa palabas ang pagkamalikhain sa bawat kuwadro na may sariling pagsisiwalat ng tema. Sa pamamagitan ng mga anggulo at anyo ng pagsasalarawan, biswal na ibinabahagi ang linyang naghihiwalay sa mga karakter sa bawat eksena.
Gamit naman ang mapusyaw na pag-iilaw, napababatid ang kalumbayang bumabalot sa mga tauhan. Bagamat may ipinamamalas ang ganitong estilo, hindi mapipigil ang minsanang pagka-inip sa mas masisiglang eksena.
Hindi kailangang tumingin sa malayo upang matuklasan ang mga katotohanang inilahad ng pelikula. Noon pa man, kapansin-pansin na ang kakapusan sa pagkakapantay-pantay ng lipunan. Hindi lang salapi ang basehan ng pagkakaiba; mas maliwanag na batayan ang pribilehiyo. Maging sa malapit ay nagaganap ito— sa tahanan. Subalit, ang mga abot-kamay pang pangyayari nito ang madalas na nalalaktawan ng paningin.
Kahit tila imposibleng maglaho ang agwat ng mga estado sa buhay, biyaya na rin ang munting kabawasan nito. Minsan pa ay kakaibang bagay at pamamaraan ang magiging tulay ng mga katayuan. Ang mahalaga ay sinisimulan ito gamit ang kamalayan.
Makita man sa sariling mga kamay ang bakas ng pang-aalipusta, hayaang mamulaklak ang kirot ng pagkakasala. Maaari ring maging mitsa ng pagbabago ang konsensya. F