Bilang ang mga araw paatras.
Sampu menos isa
tuwing unang sigaw ng magtataho
o ng konduktor ng dyip sa Maynila;
tuwing bagong gising ang magsasaka
o ang mangingisda sa probinsya.
Marahil binibilang dahil sabik.
Maaari ring may kirot sa dibdib, pumipihit
ang tiyang parang kinakabag at mapipigil
ng isang saglit ang hininga
kapag naalala—malapit na. Ano kaya
ang bukas na dala ng balota?
Oras ang makapagdidikta.
Kaya nag-aabang.
Isinalalay sa dalawang kamay
ng relo ang pangyayaring hindi
kailanman maikukulong ng orasan.
Pagdating ng araw,
bubuksan ang tarangkahan na hangganan
ng ngayon mula sa noon at kinabukasan
at sa parehong direksyon
ay aagos ang alinman:
kalamidad o kaginhawaan.
Dadapo itong parang sakit
o sikat ng araw
noon:
sa mga butong nilibing
sa limot ng hustisya;
at bukas:
sa mga pintig na naghihintay
ng unang hinga.
Ngayon,
ang maganda,
makakapili pa kung alinman
habang bumibilang. F