by ABIGAIL M. ADRIATICO
Maulap ang kalangitan
nang masilayan ng bayani
ang kumpulan ng mga tao sa tabi.
Habang hawak ang mga karatulang
may samu’t saring kataga,
patuloy sa pagsigaw
ang mga kabataang napupuno
ng galit at hinagpis
sa mga pangyayari sa bansa
na hindi kanais-nais.
Kanyang naalala ang nakaraan—
ang mga panahon kung saan
minsan siya’y nalagay
sa bukana ng daan
patungo sa kalayaan.
Bahid ng lungkot at pighati
ang daanang kanilang sinimulan
ngunit saksi ang inang bayan
sa sakripisyong kinailangan
alang-alang sa kalayaan
nais nilang makamtam.
Kasabay ng sinag ng araw
na patuloy na sumisilip
sa mga ulap na nagbabantang lumuha,
bakas sa mata,
sa bawat sigaw,
ang pagmamahal sa inang bayan
ng mga kabataan—
isang eksenang minsan niyang nasilayan
sa mga dating kasamahang
natabunan na ng kasaysayan.
Sa gitna ng kaguluhan
ng mga kabataang lumalaban
para sa kapakanan ng bansa,
nabuo ang ngiti
sa mukha ng yumaong bayani
at kanyang nasambit,
“Tunay ngang
May Pag-asa.” F