by ABIGAIL M. ADRIATICO
SA MUNDONG patriyarkal, madalas naririnig ang samu’t saring kaso ng karahasan ng mga lalaki na ang direktang biktima ay mga kababaihan. Pangkaraniwan na ang lubos na paninisi sa mga babae. Matagal nang nakadikit sa ating kultura ang mga stereotypical na paniniwala tungkol sa kasarian—ang mga babae ay mahina at ang mga lalaki ay malakas.
Mula sa direksyon ni TM Malones at sa panulat ni Joseph Israel Laban, ang pelikulang Kargo ay isa sa mga pelikulang tampok sa ika-18 taon ng Cinemalaya. Matapos ang dalawang taong pagdiriwang nito online, nagbalik na muli sa sinehan ang film festival kasabay ng temang “Breaking Through The Noise.”
Nasungkit ng Kargo ang Audience Choice Award para sa kategorya ng mga Full Length Feature Films.
Umiikot ang kwento ng pelikula kay Sara (Max Eigenmann), isang babaeng nais maghiganti sa lalaking pumatay sa kanyang pamilya sa paniniwalang ito ay makapagpapagaan ng bigat ng kanyang pagdadalamhati. Sa kanyang paglalakbay, makikilala niya ang isang bata na nagngangalang Kara (Myles Robles) na magbibigay sa kanya ng hindi inaasahang panibagong pananaw sa buhay.
Kapansin-pansin ang paggamit ng pelikula ng mga long shot na siyang nakapagpabagal sa pacing ng ilang parte ng pelikula. Nakatulong ang desisyong gamitin ang ganitong klaseng daloy ng mga eksena sa pagkuha ng makatotohanang pananaw ukol sa trabaho ng mga nagdedeliver ng mga kalakal. Isang halimbawa nito ang mga eksena kung saan ipinapakita ang byahe ni Sara papuntang Guimaras.
Makikita ang pagnginig ng kamera sa ilang eksena kung saan si Sara ay minumulto ng kanyang nakaraan. Nagpapakita ito ng pagiging unstable ng karakter niya buhat ng kanyang pagluluksa at natamong trauma. Kasabay nito ang color grading na gumamit ng warm colors na kalimitang nagsasaad ng damdamin ng kaginhawaan. Naipapakita nito kung gaano pa rin kahigpit ang hawak ni Sara sa mga alaala ng kanyang yumaong pamilya na siyang motibasyon niya sa kanyang mga binabalak.
Bagama’t maganda ang sinematograpiya nito, pagdating sa climax ng pelikula ay mayroong isang eksena ng car chase. Hindi nababagay ang eksena na ito sa takbo ng buong pelikula dahil sa biglaan at hindi akma na pagpasok ng mga elemento ng isang action film. Nagmistulang galing sa isang komedya ang parteng iyon dahil sa mga hindi naaakmang linya at sa habulan sa diretsong daan na walang ibang sasakyan. Maliban pa doon, hindi rin kapani-paniwala ang resolusyon sa buong sequence dahil walang paliwanag kung saan nanggaling ang mga taong tumulong kay Sara.
Sa kabila nito, naging mahusay ang pagganap ni Eigenmann kay Sara bilang isang nangungulilang ina at asawa. Nagawa niyang ipakita ang hirap ng pinagdadaanan ng isang taong nilalamon ng galit ngunit napipigilan pa rin ng kanyang moralidad sa pamamagitan ng kanyang pag-arte. Kuhang-kuha naman ni Robles ang pagiging inosente at kabaitan ni Kara kung kaya’t nakatutuwang makita ang dynamic nilang dalawa ni Eigenmann.
Pagdating sa tema ng pelikula, masasabing ito ay may komentaryo ukol sa patriyarkal na lipunan. Maliban doon sa lalaking nais paghigantihan ni Sara, mayroong ilang pagkakataon sa pelikula kung saan makikita ang masasahol na uri ng mga lalaki. Iba sa kanila ay pinagdidiskitahan ang mga babaeng kanilang nakikita. Isang halimbawa na rito ang mga lalaking lumapit kay Sara at mga humabol kay Kara. Bagama’t sila ay nakaranas ng konsekwensya ukol sa kanilang mga aksyon, karamihan dito ay natamo lamang nila sa marahas na paraan o dahil may ibang lalaki na pumigil sa kanila.
Nagsisilbi itong salamin sa malungkot na reyalidad kung saan minsan, walang ibang magagawa ang mga kababaihan kundi gumamit rin ng karahasan bago pa sila maging biktima. Maliban dito, nakabibigo rin ang ideya na mayroong mga babae na siyang hinahayaan na lamang ang hindi kanais-nais na kaugalian ng kalalakihan dahil sa paniniwala na ito ay buhat ng kanilang kasarian at hindi na mababago kailanman.
Ipinapakita ng Kargo ang pagdadalamhati ng mga taong nangungulila at ang kanilang paglalakbay sa paghahanap ng kanilang kasiyahan sa hindi marahas na paraan. Ngunit, nakapagbigay rin ito ng pasilip sa reyalidad ng mundong kontrolado ng patriyarkal na pananaw. Hindi nararapat na tanggapin na lamang ang kasakiman ng mundo at patuloy na mamuhay sa takot ang mga kababaihan. Dapat lang na hikayating baguhin na ang mga pananaw ukol sa kasarian upang dumating ang araw na makakamtan ang patas at ligtas na lipunan para sa lahat. F