PAGDATING SA pagwawalis, madaling utusan ang mga bata. Naaabot nila ang pinakasulok ng kuwarto. Ginagawan pa nila ito ng laro. Sandaling iwan mo sila ay maririnig ng mga kapitbahay ang kanilang kanta. Kaya para sa marami, pagwawalis ang unang inuutos ng kanilang ina.
Kabisado na ng maraming bata ang tunog ng “Anak, magwalis ka nga sa labas ng bahay.” Madalas, may kasamang “Darating mga tita mo. Mag-ayos ka.” Kaya si Amelia, o Ame, hindi na kailangang pagsabihan.
Alam na ito ni Ame. Ang gumising nang maaga, mas maaga pa sa tumitilaok na manok. Ito ang tinuro sa kaniya. Dahil walang kapatid si Ame, napupunta sa kaniya lahat ng gawaing bahay. Uunahin niya ang pagwawalis dahil ayaw na ayaw niyang makalat ang tahanan. Malamig pa sa labas. Kahit ang buwan, hindi pa bumabalik sa tulog nito. Nagtatago pa rin ang araw. Maingat siyang lumabas ng kwarto.
May tatlong asong mapayapang natutulog, isang matanda at dalawang makulit na Shih Tzu. Nang makalabas si Ame, sinalubong siya ng nakanginginig na hangin. Nangilabot ang balat niya.
Pabalik na si Ame sa loob nang lapitan siya ng isang paruparo. Puti ang mga pakpak nito, ‘sing puti ng mga sampaguitang nabibili sa simbahan. Sumunod ang mga mata ni Ame sa paruparo. Lumipad ito patungo sa kaniyang balikat at nagpahinga roon.
Pagkatapos, dumaan ang paruparo sa bintana upang makapasok sa bahay. Hula niya, nilalamig din ito. Dumapo ito sa kaniyang aparador. Dumapo ang paruparo sa jacket ni Ame. Ang kaniyang jacket na lukot na lukot na sa kadalasan ng gamit at ang mga kamay na hindi marunong magtupi ng damit. Ang paboritong jacket na ibinigay ng kaniyang ama noong ika-labing isa niyang kaarawan. Madalang na lumabas ang jacket na ito sa kaniyang kuwarto. Ang jacket na yumakap kay Ame sa mga gabing bumabagyo.
Nang maisuot ni Ame ang jacket, umalis na ang paruparo. Lumipad ito sa kisame at nagtago sa anino ng kahoy na nagpapatatag ng kanilang bubong. Nakapagsimula na rin si Ame magwalis. Nahanap niya ang walis tambong kinalakihan niya. Mula sa paghawak ng kahoy ng walis hanggang sa maiging paglilinis, halata kung kanino siya natuto.
Sa mismong nangangalawang na upuan, pinapanood niya dati ang kaniyang ina. Minsan, nagkaroon ng kasamang reklamo sa kaniyang panonood. “Ma, inaantok pa ako,” sasabihin niya nang may kasamang hikab. Ngunit nang lumaki si Ame, nakasanayan na niya ang lamig ng umaga at tunog ng walis tambo.
Kaya lang pumayag noon si Ame na gumising nang maaga ay dahil sa kaniyang darating na ama na may dalang pandesal. Sa pagdating ng pandesal, madalas kasama na rin ang sikat ng araw. Sa mga araw na mayroong darating na bisita, pandesal at piniritong itlog ang kanilang almusal.
Ngayon, siya muna ang bumili ng pandesal. Tumawid siya sa tahimik na kalsada, sinusundan ng amoy ng bagong lutong pandesal. Kaunti lamang ang tinapay na binili niya dahil hindi nagkasya ang dalang pera. Ngunit kilala siya ng panadero at sa awa, nagdagdag ng isang ensaymada.
“Para sa magulang mo. Paborito nila iyan,” sabi ng matanda.
Nang makabalik si Ame, handa na siya kumain ng tinapay. Ngunit pinigilan ni Ame ang sarili niya. Hindi marunong magbukas si Ame ng kalan, kaya hinintay nalang niya ang mga tita niyang darating.
Tumataas na ang araw at umiinit na, ngunit hindi niya magawa sa sarili niya na tanggalin ang suot niyang jacket. Parating na ang mga tita niya. Iniwan ni Ame ang mga pandesal sa mesa at tumakbo sa kanilang altar. Humarap siya sa altar, mayroon pang mumo sa pisngi ni Ame. May alikabok at patay na kandila sa tapat ng Santo Niño. Kaunting linis lamang ang kailangan ng altar ngunit hindi siya pumayag na marumi ito.
Sa tabi ni Santo Niño ay ang litrato ng kaniyang pamilya. Nakatago sa likod ng salamin upang hindi masunog ng mga kandila. Nakapatong sa kahoy ng kuwadro ang rosaryong ginagamit ng kaniyang ina. At ang pinakamalayo sa kuwadro at poon ang dalawang puting kandila, pandak na. Makapal na ang natuyong wax sa paanan nito.
Kumuha si Ame ng posporo at sinindihan ang kandila. Nanginig ang daliri niya sa lapit ng liyab sa kaniyang balat. Nilapit niya ang nasusunog na posporo sa mitsa, ngunit masyadong matagal siyang naghintay. Humalik ang apoy sa kaniyang mga daliri. Nabitawan ni Ame ang posporo ngunit nakalimutan din niya ito. Nangitim ang daliri niya.
“Huwag ngayon,” paulit-ulit niyang sinabi sa sarili niya. Nilabanan ni Ame ang paparating na luha.
Mula sa likod ng kuwadro, lumabas na naman ang isang paruparo. Hindi na nagtagal at dumapo ito sa daliri ni Ame. Dumapo ito sa hindi sunog na daliri niya, iniiwasan na masaktan ang bata. Marahang nilapitan nito ang itim, mala-halik ang bawat galaw ng paa.
At nang dumating ang mga tita niya, nakahinga na nang maayos si Ame. Mayroon silang dalang sampaguita, ang nag-iisang kulang sa altar. Unang beses pa lamang ni Ame na gawin lahat iyon nang mag-isa.
Nang mawala ang mga magulang niya, isang buong taon niyang inaral kung paanong mabuhay nang wala sila. Ngunit, kahit isang araw lamang, naramdaman ulit niya ang yakap at halik ng kaniyang mga magulang. F