NAMAMAYAGPAG SA bawat instrumentong pinatutugtog at artikulong nailalathala ang natatanging minimithi ng bawat mamamayan: ang malayang pagpapahayag gamit ang sining.
Kahit ilang beses mang wasakin ang mga salita sa dyaryo, hindi mapupuksa ang nag-aalab na pag-asang nakaukit na sa puso ng mga paslit na pinatahimik ng nakatataas.
Inihandog ng Artistang Artlets ang pinakabago nitong produksiyong pinamagatang Pagmaya, Pagsangli, ang dulang pumapatungkol sa mga pinatahimik ng mga institusyong hadlang sa malayang kritisismo at pagpapahayag. Isinulat ito ng fourth year Communication student na si Romayne Humiwat at third year Communication major Kyte Villanueva sa direksyon at pamamahala ng Communication seniors na sina Maria Cathrina Aquino at Marie Lilac Guinevere Yson.
Ginanap ang pagtatanghal na ito noong ika-16 ng Nobyembre sa Thomas Aquinas Research Center (TARC) Auditorium.
Umiikot ang kuwento sa apat na magkakaibigang muling sinusubukang mag-alsa laban sa Mokiti Art Commissary o M.A.C., isang taon mula ng dakipin at paslangin ang kanilang kaibigang si Eros Catapang (Arjay Magbanua) matapos ang kanilang bigong paghihimagsik. Sa mundo ng Mokiti, ang M.A.C. ang naatasang unit upang siguraduhing sumusunod sa batas ang lahat ng mga mamamayan at mapatahimik ang sinumang susuway dito.
Sa kasalukuyang panahon, muling tutuklasin ng apat na magkakaibigang sina Kai Rosales (Alyssa Esmeria), Kira Rosales (Ace Abella), Bell (Bielle Rasco) at Drae (Miguel de Mesa) kung mauulit ang nakaraan o magkakakulay na ang mundo ng Mokiti.
Agad na binasag ng mga aktor ang fourth wall bago pa man magsimula ang dula sa pamamagitan ng direktang komunikasyon sa madla. Pinangunahan ito ng isa sa mga miyembro ng M.A.C. na ginampanan ni Marquis Candelaria na siya ring dumakip kay Eros.
Walang nasayang na espasyo sa loob o labas ng auditorium. Magandang halimbawa nito ang pamimigay ni Eros ng Mokiti News sa mga manonood bago siya dinakip. Nakapaloob sa Mokiti News ang kaniyang ulat tungkol sa muling paglaganap ng malayang sining sa bansa. Madalas na nakihahalubilo ang mga karakter sa mga manonood, tulad na lamang ng Punong Mahistrado (Oliver Claudio) na hinihikayat ang madla na huwag pakinggan ang mga nasasakdal.
Isang abandonadong silid-aralan ang naging unang tagpuan sa entablado. Puno ito ng iba’t ibang kagamitang pansining tulad ng piano at cassette tapes. Napalitan ito ng isang hukuman sa ikalawang parte ng dula. Simple man, ngunit makatotohanan ang mga ito na siyang nakadagdag sa sidhi ng dula.
Hinabi ng dula ang temang coming-of-age sa isang kuwento tungkol sa pagbabago at kalayaan ng sining. Hindi na bago ang mga temang ito, ngunit nalapatan ito ng isang sitwasyon na sumasalamin sa realidad ng ngayon. Naipakita sa dula kung paano isinasawalang-bahala ng mga nakatataas ang mga propesyong nagbibigay aliw at pag-asa sa mundong pinagkaitan ng malayang pagpapahayag ng ekspresyon.
Sa unang bahagi ng kuwento, naipakita ang importansya ng sining sa bansa. Inilarawan dito ang naging bunga ng mahigpit na pamamalakad at ng rebolusyon, tulad na lamang ng pagpaslang sa mga magulang nina Kai at Kira noong mga paslit pa sila dahil sa mga sinulat nilang kantang simbolo ng pagganti sa gobyerno.
Dito rin naipamalas nina Esmeria at Abella bilang sina Kai at Kira ang kanilang galing sa pag-arte. Halimbawa nito ang sagutan ng dalawa tungkol sa binabalak nilang pag-aalsa laban sa gobyerno. Lumilisik ang galit sa kanilang mata at ramdam ang takot na mawalan ng minamahal sa buhay sa mata ni Kira.
Ang mga eksenang may bahid ng tensyon ang siya ring nabigyang buhay ni Bell (cast member), ang nagmistulang comic relief ng dula. Simpleng pagpapatawa lamang ang kaniyang ginawa, tulad ng pang-iinis niya kay Drae, ngunit nagsilbing pagpapaalala ang kanyang karakter sa importansyang masasandalan sa mga panahon ng pangangailangan.
Ang pananamit ng mga aktor ay naging behikulo rin upang mailarawan ang kalupitan ng pamamahala ng M.A.C. Kayumanggi ang blazer nina Kai at Bell, at ito rin ang kulay ng sling bag ni Drae. Ang maputlang kulay ay naging simbolo ng pagkainosente nila laban sa dahas ng mga awtoridad na naglayong masupil ang lahat ng uri ng sining sa Mokiti. Ang itim na kasuotan naman nina Kira ang sumisimbolo sa kawalan ng pag-asa sa posibilidad ng pagbabago. Naging puti ang kanilang kasuotan sa ikalawang bahagi, isang simbolo ng pagbabago.
Nagkaroon din ng intermission sa pamamagitan ng isang live news report. Ibinahagi ng isang reporter sa Mokitizens ang nagaganap na paglilitis sa korte. Ginamit ang sandaling ito upang ihanda ang mga aktor sa ikalawang parte ng dula. Nabigyan din ang mga manonood ng kaunting panahon upang maunawaan nang husto ang mga nangyari.
Sa kabila ng maikling exposure nina Claudio, Candelaria at Ymanuel Roxas, naipakita pa rin nila sa kanilang pagkilos at pananalita kung gaano kalupit ang gobyerno ng Mokiti na handang pumaslang para lamang sa batas na sila-sila rin ang nakikinabang. Isang halimbawa nito ang pagpuwersa ng karakter ni Roxas kay Kai na pumirmi sa isang tabi habang nakikipagtalastasan sina Kira, Bell at Drae sa Punong Mahistrado.
May mga pagkakataon din namang ang mga maliliit na karakter ay walang naidagdag sa istorya, tulad na lamang ng pagganap ni De Mesa bilang si Drae. Sa rami ng nangyari sa dula, lumabo ang layunin ni Drae sa kuwento.
Hindi rin naman maikakaila ang mga pagkukulang sa produksyon. Mas naging kapansin-pansin ang mga ito sa pangalawang bahagi ng istorya na nagpakita ng pagharap ng magkapatid sa Punong Mahistrado ng M.A.C. Mahirap paniwalaan na basta-basta lamang magpapasok sa kanilang tanggapan ang isang hukuman na kilala sa pagmamalupit at diktadurya.
Akma rin ang mga musikang ginamit na lalong pinaigting ang mga tema at emosyong pinakita ng mga aktor. Kumanta rin ang mga aktor tungkol sa karapatan ng mga mamamayan. Sa ganitong paraan, ipinamalas ng mga aktor ang paggamit ng sining upang ipaalam ang kanilang mga saloobin sa gobyerno bago matapos ang dula.
Dumadagundong ang pagmamahal para sa sining sa kantang inalay ng mga musmos ng Pagmaya, Pagsangli. Naging tulay ang kanilang boses upang magising ang nahimlay na mga mamamayan ng Mokiti. Hindi lamang isang dula ang Pagmaya, Pagsangli, kundi isang paalala na muling magkakaroon ng boses ang minsa’y pinatahimik. F – Trixcy Anne Loseriaga