TATLONG beses ko lang nakitang magbestida si Ate.
Ang unang beses ay nang ikasal siya. Naaalala ko pa ang yari ng gown; wari’y agos ng dagat ang pagkakabagsak ng puting seda. Ang mga beads nito’y nagmimistulang bituin kapag nasisinagan.
Ngunit higit pa sa gown, tanda ko ang abot langit na ngiti ni Ate, na siyang pinakamaganda sa lahat.
Ang pangalawang beses ay mula sa retrato.
Mayroong larawan si Ate ng kanyang cap ceremony. Napakalinis niyang tignan—mula paa ay nababalutan ng puti, habang ang ulo naman ay napapatungan ng pinakaaasahang cap.
Sa pagkamit ng pangarap ay kitang-kita ang kanyang pagkagalak. Kaya nama’y gulat ang inabot ko nang isang hatinggabing nag-videocall kami, isang mukhang dekada ang itinanda ang bumati.
Bakas kay Ate ang pagtitiis sa pamatayang shifts, kakarampot na suweldo—sa pagpasan ng mga buhay na nawawala kada araw. Ngayon, ang uniporme’y kulubot na’t nanggigitata sa pawis at alikabok ng lansangang nilakad pauwi.
‘Di na niya napigilang humikbi. Naawa siguro sa sarili. O sa mga kasamahan at pasyente. Posibleng pareho.
Ang huling bestida ni Ate ay isang puting Filipiñana na nakasabit sa aparador. Ipinamana ito sa kanya noon, at nais niya itong suotin sa susunod na okasyon.
Kaso isang urno ng abo na lang siya nang sunod naming masilayan.
Kaya sa kaunting kalikot ng isip ko na lang makikita na:
Bagay ang kulay ng bestida sa kulay ng balat ni Ate.
Ang mga perlas na nakaburda na lang ang kikinang.
Tila dito na lang siya magmumukhang payapa.
Hanggang dito na lang. F ELLA MARIE M. MERCADO