Handang Lumaban

Editor’s Note:

In line with the 44th anniversary of the declaration of Proclamation 1081 as the law of the land, the Flame will post a series of articles written by the publication’s former staffers during the Martial Law period.

The Flame, being one of the student publications who continued its fearless reportage during those tumultuous times, believes that we—both the young and the old—should never turn a blind eye and forget the atrocities and plunders during Martial Law. It is our duty as members of the press to enlighten the Filipinos about that dark period in the country’s history.

Art by ELCID ANTONIO O. OLAVERE
Art by ELCID ANTONIO O. OLAVERE

(This article was originally published in The Flame Vol. 13, No. 1 issue)

SUMIBOL ANG binhi ng aktibismo noong 1970 na naging dahilan ng pagdedeklara ng “Martial Law” sa ating bansa. Dito nag-uusbong ang mga katha ng mga Pilipino na mapang-usig at mapanghimagsik sa patakaran ng pamahalaan. Mula noong taong 1970 hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang paghingi ng mga Pilipino ng mga bagay na kailangan nila ngunit tulad din noon ay parang sinabi lamang nila sa hangin.

Ang mga pangkat ng mga kabataang mag-aaral sa mga pamantasan ay kinakitaan na ng kagalingan sa panitikan. Walang himigsikan, walang sugatan, ngunit sila ay lumalaban. Ang tanging dala lamang nila ay ang malaganap na panitikan ng panahon—mula sa mga kathang mahahaba at mga tula hanggang sa mga “placards.” Dito nila inilalagay ang nais nilang maiparating sa mga kinauukulan.

Ang mga kabataan sa panahon ngayon ay laman na ng kalsada at nagsasabog ng ngitngit at ‘di tulad ng dating tinitimping damdamin. Sumisigaw. Sila ang pag-asa ng bayan, ang wika ni Rizal. Ang panitikan ngayon ay naglalagablab, nagdurugo, at nangwawasak. Ang mga mag-aaral na dati’y subsob ang mga ulo sa pag-aaral ngayo’y taas noong sumisigaw. Binago nila ang pahayagang pampaaralan, binibigyang-mulat nila ang dating pahayagang kung ano lamang ang mga laman. Hindi lamang aklat ang kaya nilang hawakan, sa tulong ng nag-uumapaw niyang ngitngit at matalinong isip sabay ng pagpindot ng makinilya ay nasasabi niya nang lubusan ang dati’y may takot niyang binibigkas. Sa pulang pintura at pinsel at paghawak ng mga “placards” ay nagsasaad sila ng pagtuligsa at pakikibaka. Dinuduraan ang kabulukan ng lipunan at pulitika. Sinusugpo nila ang maaaring lason na kumakalat at umaakyat sa kanilang paaralan, simbahan at tahanan. Nagbibigay sila ng mga suhestiyon upang malunasan ang mga suliranin.

Ang dating Maria Clarang tango lamang nang tango ngayon ay humihiyaw, lumalaban at tumutuligsa. Maging ang pagmumura ay naging karaniwang salita lamang ngayon. Bawat mukha nila ngayon ay may nagngangalit na mga ngipin at may mga umuusok na damdamin na natatakpan ng kanyang nagtatanong na isip: BAKIT SIYA PA ANG NAGING LIDER NATIN? BAKIT BA SIYA PINATAY SA MIA? BAKIT NIYA BA TAYO PINAPATAY?

Wala na ang pagkamaingat at pormal na pagsasalita; nagawa na natin iyan at walang nangyari. Wala na rin ang mapayapang usapan; ginawa na natin iyan at wala ring nangyari. Ang kailangan natin ngayon ay lakas ng loob, tibay ng dibdib, wastong kaalaman, at kaloobang handang lumaban. LUIS PRUDENCIO G. SALAMAT

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us