Saturday, May 25

Bobo-to ako!

By ALI IAN MARCELINO V. BIONG

Hoy mga bobo!

Anong karapatan niyong pagsalitaan nang masama si idol Attorney G? Ako, fans niya na ako simula no’ng mura-murahin niya ‘yung mga tagasunod no’ng dating chief justice ba ‘yon!? Basta, ‘yun! May nakuha pa nga tayong magandang meme doon, e. ‘Yung iba bang politiko o abogado, kaya ba ‘yun, ha? Wala! Kasi si Atty. G lang may kaya noon, mga bobo!

‘Di gaya niyong mga trolls at Dilawan, pareho kami ni Atty. G na mga TRUE-BLOODED MARCOS LOYALIST. Pinaglalaban namin ang tama. Sino bang may pake do’n sa sinasabing bilyong pisong ill-gotten wealth ng mga Marcos na DIUMANO ay ninakaw? Sabi nga ni Atty. G sa debate, sinauli na raw ng mga Marcos ‘yung ari-arian nila sa bansa, tulad no’ng mga mansyon, paintings, at ‘yung Sto. Niño shrine.

O, kita? Nagsauli ang mga Marcos ng mga yaman kahit WALA namang ninanakaw sa simula’t sapul? Kaya niyo ba ‘yun? Inosente ang mga Marcos at sa totoo lang, maswerte pa nga ang Pilipinas kasi nabigyan ng yaman, e!

Lalong ‘di ko kinaya no’ng sinupalpal ni Atty. G ‘yung mga Dilawan ng katotohanan: Hindi ako naniniwalang may nakaw na yaman ang mga Marcos. Walang pera ang Pilipinas, paano mo nanakawin?” Sa palagay ko tameme kayong mga trolls kayo ‘no?

WALA KAMING PAKE kung napatunayan na guilty si idol Imelda Marcos ng pitong kaso ng grap! Graff? Gruft? Basta! Lahat ‘yan pakana ng mga Dilawan na bayaran na ‘yan!

Dapat lang na mainggit kayong mga Dilawan kayo sa LOGIC ni Atty. G! Dapat lahat tayo maging kasing talino ni idol, ‘no! Abogado kaya ‘yun? Kaya ko nga siya iboboto sa darating na eleksyon, e! Kung ikaw hindi, e ‘di isa kang bobo!

Excited na nga akong panoorin lahat ng mga debate pa ni Atty. G! Kasi masasaksihan na naman natin ang talino niya! Basta ‘wag lang talaga sa University of the Philippines gaganapin, mga komunista kasi doon e! At ano ba ‘yang red tag na ‘yan? Nakakain ba ‘yan? Pa-red tag red tag pa kayong nalalaman mga bobo naman kayo!

At tama nga naman si Atty. G; mas marami talagang human rights violations noong panahon ng mga Aquino ano! Anong tawag niyo doon sa Mendiola masaker? Hacienda Luisita? SAF 44? Naku, lalo na ‘yang Yolanda! Kasalanan ni Panot!

Ano naman kung may report report pa na 9,000 daw na Pilipino yung nakaranas ng human rights violation? E malamang naman mga komunista ‘yun! Pasalamat pa nga kayo e hindi tayo nasakop nina Sison! Tama lang na may martial law.

Kaya kung ako sa inyo, iboboto ko talaga sina idol Atty. G at ‘yung mga kapartido niya, ano! ‘Wag kayo maging bobotante, ha! Para sa bansa! Gising na Pilipinas, ‘wag na magpapalokong muli. Iboto ang tama, ang may kredibilidad, at may prinsipyo. ‘Wag  dahil sikat lang, o guwapo, o kasi artista. ‘Wag yung mga sumikat kasi naging meme, ha? F

Editor’s Note: This article was originally published in Vol. 54, Issue No. 3 of the Flame. View the entire issue through this link: https://issuu.com/abtheflame/docs/pages_-_the_flame_issue_3

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *