by ALI IAN MARCELINO V. BIONG
‘Di talaga ako maplanong tao. Medyo huli na nang mapag-isipan ko kung saan ba ako mag-aaral. Nagkataon, ang dalawang ate ko’y parehong Tomasino. Onting tanong-tanong, onting research, at ayun—may dream school na ‘ko: UST.
Ang totoo, ang pagka-hindi ko maplanong tao ay mas akma sa katotohanang ‘di ako sigurado kung ano ang pangarap ko talaga. Sumasabay lang ako sa agos ng buhay, at matagal-tagal na rin akong nagpatangay.
Noong grade six, nahuli ako ng titser kong nagseselpon; pinagyayabang ko kasi sa tropa ko ang drawing kong samurai. Dinampot ni Sir Dulay mula sa kamay ko ang gadyet at agad nakita ang malabong litrato ng isang mandirigmang Hapones, may kabayo pa sa gilid.
“Bumalik ka mamayang alas dos, sa faculty room,” aniya.
Bilang bagong lipat, kinabahan ako’t baka mabibinyagan na ako ng parusa. Gayunpaman, pumunta pa rin ako’t nagtapang-tapangan.
Pagpatak ng alas dos ay inabutan ko si Sir Dulay na mag-isa sa kwarto. Pinapasok ako’t pinaupo sa harap ng mga papel at lapis sa lamesa. Pinaguhit, tinuruan, pinauwi. Ang inakala kong patikim ng sermon mula sa isang kinakatakutang guro ay isa palang sulyap kung saan ako patungo; noong araw na iyon, naging editorial cartoonist ako ng school paper—ang unang langoy ko sa dagat ng peryodismo.
Ngunit pagtungtong ng high school, tinangay ako ng agos palayo; nag-robotics, nag-technologies, at kung ano ano. Pero noong third year, sa isang himalang gawa ng tadhana, ay muli akong inanod pabalik. Nilapitan ako ng school paper adviser para mag-exam; gusto raw akong maging parte ng dyaryo, narinig daw kasing editorial cartoonist ako dati.
Ang nakalaan naman talaga para sa akin ay exam sa pagguhit, ngunit naisipan lang din ni Ms. Emma, ang adviser, na kumuha na din ako ng writing exams—subukan lang naman daw.
Matapos ito, ginawa akong editorial writer. Nakakat’wang doon napadpad at hindi pa kinuha sa totoong pakay, ngunit nakakat’wa ring madiskubreng may kaya pala akong ibang gawin. Noong malapit na magtapos ng sekondarya, napagtanto kong ito na siguro ang tamang kurso para sa’kin.
Lumipas ang taon at pumalaot sa unang pangarap: AB Journalism sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ngunit hindi natapos ang paglangoy, at muling inanod sa kung ano ano. Sinalihan ang iba’t ibang organisasyon. Sinubukang hanapin ang sarili. Nagpatangay sa alon ng pagyaya ng mga kaibigan, na siya namang sinunggaban.
Kahit journalism student, umiwas akong sumali sa mga school paper sa UST. Takot kasi akong sumugod sa tubig na nakalaan para sa’kin upang malaman lamang na hindi pala talaga ako marunong lumangoy. Ayos na sa’kin ang kaunting pagtampisaw sa klase, ‘di naman malulunod.
Noong third year, pilit akong tinangay ng agos pabalik sa campus journalism sa porma ng The Flame. Sa ilang pilit ng mga kaibigan at sa isang desisyong tumapang, sumisid ako sa kinatatakutang tubig.
Ngayon, magtatapos ako ng journalism bilang associate editor ng pahayagang ito—resulta ng pagtangay sa’kin ng agos ng buhay, na sa totoo’y nagsimula sa pagiging makulit kong bata. Saka ko lang nalamang marunong pala ako lumangoy kahit papaano, at hindi ko ito malalaman kung hindi ako sumisid.
Siguro’y ganon talaga ang buhay; minsan, ayos lang magpatangay. May ibang alam kung saan lalangoy, habang may mga tulad kong tinatangay pa rin. Walang masama sa pareho, sapagkat ‘di naman ito Olympics at hindi natin kailangan tapatan si Michael Phelps. Sabi nga ni Dory sa Finding Nemo: “Just keep swimming.” F
Editor’s Note: This column was originally published in Vol. 54, Issue No. 4 of the Flame. View the entire issue through this link.