
(Editor’s note: The full text of the address of thanks of Brandon Lance Capiña, valedictorian of UST Faculty of Arts and Letters Class of 2026)
Rev. Fr. Roberto L. Luanzon Jr., O.P, SThD, DL, Vice-Rector for Finance, ex officio member of the Board of Trustees, University of Santo Tomas, and our presiding officer.
Rev. Fr. George Phe Mang, O.P., SThL-MA, Regent of the Faculty of Arts and Letters.
Prof. Melanie D. Turingan-Marcos, PhD, Dean of the Faculty of Arts and Letters.
Assistant Dean, Assoc. Prof. John Manuel R. Kliatchko, PhD.
Faculty Secretary, Asst. Prof. Louie Benedict R. Ignacio, PhD.
Mr. Henry A. Tenedero, President, Philets and Artlets Alumni Association, Inc.
Our honorable department chairs, members of the faculty council, coordinators, academic and non-academic staff, our beloved parents and family members, friends, everyone present here or online and most especially, to you, my fellow graduates, isang maligayang araw po.
Bilang marami sa ‘tin ang magpapaalam na sa UST, naglista po ako ng mga bagay na sa tingin ko, mami-miss natin kapag wala na tayo rito.
Number one, si Crush. Good luck po sa mga aamin pa lang. Tama ‘yan; take the risk!
Number two, the campus. Perfect na ngang pang-clout chase, mayabong din ang greenery, very rich pa sa history. Pero ‘di lang naman ‘yong aesthetic ng paligid ang nagpapaganda sa UST.
Bukod sa ‘ting Artlets, ang dami ring pusa, which is number three. Yes, kasama po sila. O, joke time po muna. Anong pusa ang perfect para sa college students? Ano? Eh ‘di Cat-inko.
Next, number four, ‘yong buildings. Kayo, ano ba ang favorite building ninyo sa UST? Ako, BGPOP—kasi malamig.
Number five, dahil nasa usaping campus na rin naman tayo, events. Of course! ‘Matik ‘yan. Ang favorite ko, well, ‘di ‘to ‘yong mismong event, pero ‘yong fireworks. Parang do’n mo mari-realize na worth it talaga ‘yong tuition.
Moving on sa number six — ito raw ‘yong pinakamami-miss ng friend ko — classes. Sabi ko sa kaniya, “Talaga?” Oo raw. ‘Yong “feeling of being a student.” Gets. Pero kung magpapakatotoo ako, feel ko, hindi ko mami-miss pumasok. Kayo ba? Hindi classes ‘yong hahanap-hanapin ng puso ko kapag wala na ‘ko sa UST, eh. To be fair, hindi rin naman ‘yong campus, ‘di ‘yong mga pusa, ‘di ‘yong buildings, o kahit ano sa numbers one to six. May kulang, eh. At ‘yong kulang ay — kayo.
Number seven, the people. Matagal ko nang sinusubukang i-figure out ang buhay. Bakit nga ba tayo nandito? Graduation kasi natin. Hindi, I meant dito sa mundo. Bakit tayo nabubuhay? Growing up, akala ko ang ultimate goal in life ay makalayo. ‘Yon nga ang main reason kung bakit dito ako nag-aral at hindi sa probinsya—dahil nandito sa Maynila ang opportunities; nandito ang hagdan para makaangat. Ano ba naman kasi ang saysay ng lahat ng ‘to kung hindi natin mahihigitan kung sino tayo ngayon? Akala ko, hindi tayo totoong nabubuhay hangga’t wala tayong napapatunayan.
Which is akala. Looking back sa naging four-year journey ko, marami-rami naman akong nakamit. Gayunpaman, napagtanto kong aalis akong masaya, hindi dahil marami akong naging panalo, kundi dahil mas marami akong nakilala.
Napaisip tuloy ako. Siguro ‘yon nga ang point ng lahat ng ‘to—ang matagpuan natin ang isa’t isa. Aminin niyo, hindi naman magiging gano’n ka-special ang ating UST journey kung hindi dahil sa mga taong nakasalamuha natin.
Halimbawa na lang, ‘tong pagka-valedictorian ko. Ano ba kasi ang kabuluhan niyan? Hindi naman kasi porke’t ako ang valedictorian, eh ako na ‘yong pinakamagaling o pinakamasipag sa batch natin. Buwenas lang talaga. Sinuwerte. Pero alam niyo, nung nalaman ng mga kaibigan ko na ako ang AB valedictorian, hindi sila proud—sobrang proud na proud lang. Ipinagsisigawan pa talaga nila ‘yan sa buong campus. ‘Yang mga kaibigan ko na ‘yan? Sila rin ‘yong nasa tabi ko noong mga panahong gusto ko na lang lunurin ang sarili ko sa dagat.
At doon naging malinaw ang lahat. Hindi ‘yong mismong achievement ‘yong special, eh. Sila, sila na hindi ako iniwan sa bawat hakbang, na kahit kailan ay hindi nawalan ng tiwala sa ‘kin, at isang malaking karangalan ‘yon—ang pagdaanan ang buhay, ang highs and lows nito, nang may kasama.
Napagtanto kong balewala, at hindi natin masyadong mami-miss, ang lahat ng ‘to—ang pagkabaliw kay crush, ang campus, ang pagpunta sa events, ang winning moments, ang paglalakbay sa UST—kung hindi natin sila naranasan kasama ang mga taong hindi natin namalayan ay bumago na pala sa ‘tin. Pumasok tayo sa Arko ilang taon na ang nakalipas. Lumabas tayong ibang-iba na sa bersyong iyon ng ating sarili. Pagmasdan ninyo ang inyong paligid. Malaking bahagi kung bakit nangyari ‘yon ay dahil sa mga taong ‘yan.
At siguro ‘yon na nga ang point ng pag-iral natin—ang magkatagpo-tagpo at unti-unting baguhin ang isa’t isa. Sa mga taong bumago sa ‘tin, maraming salamat sa kanila.
Lagi kong iniisip na special ang batch na ‘to. Walang imposible sa ‘tin. May kakayahan tayong lahat na umangat at magtagumpay. ‘Walang duda. Pero sana, saan man tayo mapadpad, sa malayo man o sa malapit, sana ‘wag nating kalimutan na sa dulo ng lahat, tao tayo, at ‘yon ang goal—ang maging tao at magpakatao nang magkakasama. Hindi na natin kailangang maging higit pa doon. Special nga ‘yon, eh. Doon tayo lamang sa AI. Hindi man natin kayang iwasto ang buong sanlibutan, kaya naman nating baguhin ang mundo ng bawat kaluluwang dumadaan, nananatili, at sumasaglit sa ating buhay. Nagawa na natin sa isa’t isa; magagawa pa natin ‘yon sa iba.
Kaya maraming salamat sa Diyos, sa universe, sa tadhana, o sa kung saanman kayo naniniwala, kasi sa dinami-rami ng tao sa mundo, tayo-tayo ang pinagtagpo.
Sa University of Santo Tomas, salamat po dahil biniyayaan ninyo kami ng pagkakataong maranasan ang apat na taong iyon nang magkakasama. Wala po ang lahat ng ‘to kung hindi ninyo kami kinupkop.
Sa Faculty of Arts and Letters, mula sa mga tagapangasiwa hanggang sa support staff, dahil tinuruan ninyo kami kung paano maging tao. Sa aking palagay, sa lahat ng faculties, colleges, at institutes sa UST, walang tatalo sa AB sa aspetong ‘yon. Sa mga kabataang nakikinig, igugudgud ng mundo sa mga mukha ninyo na walang kuwenta ang humanities at social sciences. ‘Wag niyo silang pansinin. Kung may kailangan man ang buong daigdig ngayon, ‘yon ay mga taong handang magpakatao para sa iba. At sa AB ninyo pinakamatututuhan ‘yon.
Sa mga naging guro namin, sana alam po ninyo na kung may maganda man kaming maiambag sa lipunan, bahagi po kayo ng dahilan kung bakit at kung paano. Salamat po sa paggabay at sa tiwala.
Taos-pusong pasasalamat din sa ating mga magulang, pati na rin sa iba pa nating mga mahal sa buhay, na naghila sa ‘tin sa mundong ito at nagpapasok sa ‘tin sa UST. Kung hindi dahil sa kanila, hindi magtatama ang ating mga landas. Shout-out sa Mama at Papa ko diyan! At salamat, UST Office for Student Affairs, dahil pinalitan ninyo ang pagsisikap ng iba sa ‘min ng libreng matrikula. Salamat din po sa pag-aaruga sa iba’t ibang organisasyon dito sa UST na nagsilbing pamilya para sa karamihan.
Salamat din, The Flame, for keeping us updated lagi sa mga ganap sa loob at labas ng faculty. At salamat, UST Artlets Student Council, pati na rin sa home societies ng bawat program, sa inyong serbisyo. Hindi biro maging student-leader, pero nawa’y hindi kayo magsawang paglingkuran ang ating komunidad.
Higit sa lahat, Batch 2026, salamat sa inyo—sa atin. Salamat at magkakasama nating naranasan ang lahat ng ‘to. Isang malaking karangalan ang mabago dahil sa inyo. Hindi man tayo lahat magkakakilala, at ang iba man sa atin ay nagkaaway-away na, nagkawatak-watak, o kaya’y ‘di na kasing-close ng dati, hindi pa rin natin maikakaila na dahil sa isa’t isa, natunton natin ang tuktok ng kolehiyo at aalis tayong walang hindi kaya. Palakpakan po natin ang ating mga sarili.
Bilang pagtatapos, may nais po akong ipabatid sa inyo. Tao ang dahilan kung bakit mala-impyerno ang daigdig. Pero tao rin ang dahilan kung bakit nananatili itong kaaya-aya. Ito ang challenge ko sa inyo: sana, sa muli nating pagkikita, ano man ang estado natin sa buhay, nakalayo man tayo o hindi, sanhi na rin tayong lahat—sanhi kung bakit, sa kabila ng gulo, may naniniwala pa rin sa sangkatauhan.
Mabuhay ang Batch 2026!
