Friday, July 10

Hanggahan

photo by FRANCES MARIE G. IGNALAGA/ THE FLAME

Hindi matatakpan ng mga makikinang na ilaw

o malalambungan ng dilim ng gabi

ang bawat kalsada at eskinita

na iniikutan ng mga maniniil at mapang-api.

 

Katulad ng mga banyagang imperyalistang

sa ating mga daungan ay tumuntong noon,

dala nila ay pagbabanta sa buhay at kalayaan

ng inosente man o naglakas-loob lumaban.

 

May mga tila ipis sa pagkaripas ng takbo;

tahimik na kinukubli ang mga sarili sa sulok   

habang ang iba ay masugid na tinatahulan

mga manloloob na inaakyat ang tarangkahan.

 

Kalayaan ng kayumanggi ang sigaw—

sumanib sa rebolusyon na puputol ng tanikalang

sa atin at sa mga mananakop ay tumatali,

tanging mga sandata ay pluma, tinig at kamao.

 

Nang ang kasarinlan sa wakas ay nakamtan,

mga bayani ay binansagan—nilagay sa pedestal.

Kanilang mga pangalan at ambag sa himagsikan

sa kasaysayan ay permanenteng naukit. 

 

Ang aspaltong kanilang minartsa 

muling tatapakan ng libu-libong mga paa.

Noon at ngayon, masasaksihan

ang kalsada ay ginawa para sa pakikibaka. 

 

Bagong henerasyon ng mga bayani 

ang sa ating panahon ay pararangalan.

Rebolusyon ang nakaamba

dahil aalingawngaw ulit ang tawag ng kalsada.

 

Matingkad na hanay ng pulang ilaw

manggigising at mangangalampag.

Bantang dala ay ang muling pagdanak ng dugo

sa tinubuang lupang minsan nang pinagtanggol.

 

Muli nitong masasaksihan ang pag-alsa;

plakard sa halip na tabak,

poot sa halip na pasensya.

Unti-unti, ang pag-alpas ay abot-kamay na. F DENISSE P. TABOR

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *