Mula sa aspaltong tirintas na pumipiring sa Maynila
gumuguhit ang liwanag sa dilim sa hugis nito.
Sabi ng mama, kaya magkakaroon ng kalsada sa langit
ay para mapagbuklod ang dalawang dako ng lungsod.
Turo niya, mas tanaw mo ang ganda ng pamayanan sa itaas,
malaya sa kalawang ng yero at alingasaw ng imburnal.
“Kapag ika’y nakasampa na sa mga ulap, huwag mong kalimutan
yumuko sa iyong ikinauupuan at kawayan kami.”
Ilang taon ang lumipas. Binanlian ako sa aking pagkamuwang
at inanod sa ilalim ng lilim ng pag-unlad.
Ang sinementong haligi ng bagong lipuna’y kalaunan inamag
dulot ng nagmamalabis at dahan-dahang pagbuhos ng ulan sa mga alulod.
Ang akala kong bahagharing nakaunat para sa lahat
ay kulay-abong pangako palang itinupad lang para sa nasa itaas.
Nakatingkayad ako’t nakatingala,
habambuhay na binobosohan ang aninag ng nakabalabal na araw. F
